ni Jeff Tumbado | February 18, 2023
Naglabas ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ng wanted poster ng anim na lalaking suspek sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena nitong nakaraang taon.
Pinangalanan din ng CIDG ang mga suspek na sina Julie Patidongan alyas Dondon, Mark Carlo Zabala, Roberto Matillano, Jr., Johnry Consolacio, Virgilio Bayog, at Gleer Codilla o Gler Cudilla.
Ang naturang mga suspek ay may nakalaang P1 milyong patong bawat isa.
Ilang warrant of arrest ang inilabas na rin ng Regional Trial Court laban sa mga suspek sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention.
Ayon kay CIDG Director Police Brigadier General Romeo Caramat, Jr., ang nabanggit na poster ay ipapaskil sa lahat ng PNP units, sa mga pampublikong lugar, social media at website ng CIDG.
Hinikayat din ni Caramat ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa mabilis na ikadarakip ng mga akusado.
Nabatid na ang Manila Arena case o ang tinaguriang “case 1” ay isa sa walong kaso na kasalukuyang sinisiyasat ng CIDG sa pamamagitan ng binuong Special Investigation Task Group “Sabungero”.
Sa ngayon, ang inihaing reklamo nang case 1 at 8 para sa dinukot na biktimang si e-sabong master agent Ricardo Lasco ay pinaboran ng ilang korte dahil sa nakitang probable cause at pagsisilbi ng arrest warrants.
Sa simula, ang naturang reklamo ay inihain laban sa walong natukoy na indibidwal at ilan pang “john does” na sangkot sa Manila Arena case nitong taong 2023.
Una nang sinampahan ng mga kaso ang limang police personnel at dalawang asset sa pagdukot kay Lasco, kung saan tatlo sa mga pulis ay sumuko na at naghain ng not guilty plea sa kidnapping, serious illegal detention at robbery.
Comments