top of page
Search
BULGAR

Posporo at lighter, bawal na sa MRT-3

ni Lolet Abania | June 3, 2022



Mas mahigpit at pinaigting pa ang seguridad ngayon sa buong istasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).


Ayon sa pamunuan ng MRT-3, alinsunod ito sa inilabas na anunsiyo ng Office for Transportation Security na tiyakin na istriktong naipapatupad ang security plan ng mga transport operators sa bansa matapos mai-report ang ilang bombing incident sa Mindanao.


Bago pa makapasok sa loob ng istasyon, ang lahat ng mga pasahero at kawani ay dumaraan sa masusing baggage checking at screening, habang sumasailalim sa inspection at control ang lahat ng kanilang dalang mga kagamitan.


Rumoronda rin ang mga K-9 units na galing sa Philippine Coast Guard (PCG) mula North Avenue Station hanggang sa Taft Avenue Station o sa lahat ng istasyon ng MRT-3.


Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng anumang uri ng armas o ammunition sa loob ng istasyon, mga patalim o matutulis at nakakahiwang bagay; explosives at incendiary substances; flammable o madaling magliyab at nakalalason na mga gas at kemikal; mapanganib na mga kagamitan at kemikal tulad ng pesticides, muriatic acid, liquid hydrogen, at iba pa.


Hiniling naman ng pamunuan sa lahat ng pasahero na sakaling may mapansin silang indibidwal na may kakaibang kilos at kahina-hinalang bagay sa loob ng istasyon o tren, agad na ipaalam ito sa mga security personnel at marshal ng MRT-3.


Ayon pa sa pamunuan ng MRT-3, ang mga security marshal ay may awtoridad na hindi pasakayin at pababain ang mga pasaherong lalabag sa kanilang umiiral na patakaran.


Samantala, patuloy ang isinasagawa ng MRT-3 na libreng sakay para sa mga pasahero na tatagal hanggang Hunyo 30.


Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page