ni Lolet Abania | August 25, 2021
Nakalabas na si Manila Mayor Isko Moreno sa Sta. Ana Hospital ngayong Miyerkules matapos na magpositibo sa test sa COVID-19 noong Agosto 15.
“Nakalabas na ng Manila Infectious Disease Control Center ng Sta. Ana Hospital si Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso matapos gumaling mula sa sakit na COVID-19,” ayon sa Manila Public Information Office, kung saan namalagi sa Sta. Ana Hospital ang alkalde ng 10-araw. Sa isang Facebook post, nai-share ni Moreno ang kanyang mga photos habang papaalis na ng Manila Infectious Disease Control Center.
“Salamat po sa Diyos,” ani Moreno. Ayon kay Manila Public Information officer Julius Leonen, kahit kinokonsiderang nakarekober na si Moreno, kailangan pa rin niyang mag-isolate sa humigit-kumulang na tatlong araw.
“Eleventh day ngayon ng illness ni Mayor. Fifth day na na asymptomatic. Pero isolate muna siya for more or less three days. Tagged na siya as recovered,” sabi ni Leonen sa isang text message. Unang naiulat na ang alkalde ay nakaranas ng pag-uubo, sipon at pananakit ng katawan.
Nitong Agosto 20, sinabi naman ni Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla sa isang medical bulletin na si Moreno ay nawalan ng pang-amoy at panlasa. Gayunman, ayon kay Padilla si Moreno ay mayroon lamang mild COVID-19 symptoms.
Comments