top of page
Search
BULGAR

Posible bang mawala ang myoma kapag menopause na ang babae?

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 26, 2020




Dear Doc. Shane,


Totoo ba na kapag nag-menopause ay mawawala na rin ang myoma? – Mae


Sagot


Hindi pa lubusang naipaliliwanag ng mga eksperto ang sanhi pagkakaroon ng myoma. Ngunit sa ilang pag-aaral, sinasabing ito ay maaaring dulot ng kombinasyon ng genetics (nasa lahi) at hormones sa katawan. Lahat ng babae na nireregla o maaari pang magdalang-tao ay puwedeng maapektuhan ng myoma.


Sintomas:

  • Pagbabago sa monthly period, tulad ng dinurugo ng mas grabe o kaya ay mas mahabang period, imbes na tatlo hanggang apat na araw, tumatagal ito ng isang linggo o higit pa.

  • Masakit o makirot na pakiramdam sa bandang puson o pantog o sa balakang o mga hita.

  • Pagbabago sa pag-ihi, tulad ng mas madalas na pag-ihi, mahapding pag-ihi, parang hirap ilabas ang ihi o parang binabalisawsaw.

  • Pagbabago sa pagdumi, partikular ang pagtitibi.

  • Masakit o makirot na pakiramdam habang nakikipagtalik.

  • Pagdudugo kahit walang monthly period.


Ang gamutan sa myoma ay nakadepende kung gaano ito kalala. Sa mga kasong hindi naman malala, puwedeng bantayan na lang muna sapagkat kapag ang babae ay nag-menopause na, malaki ang posibilidad na lumiit o tuluyang mawala ang mga myoma.


Kung hindi pa rin makuha sa mga gamot na iniinom, ang mga myoma ay puwede ring gamutin sa pamamagitan ng operasyon at iba pang procedure. Ang inyong OB ang makakapagsabi kung alin sa mga ito ang akma sa iyong karamdaman.


Narito ang ilan sa mga maaaring gawin:

  • Hysterectomy. Ang pagtatanggal ng buong matris. Kung wala nang planong magkaroon ng anak, ito ay epektibo. Dahil tatanggalin na ang buong matris, hindi na makakaranas ng pagregla o pagdurugo.

  • Myomectomy. Ang pagtanggal ng mga myoma sa matris. Ito ay isang uri ng operasyon kung saan aalisin ang mga myoma. Ang bentahe nito ay ang matris ay naroon parin at puwede pang subukang magdalang-tao. Subalit, may pag-asa rin na muling bumalik ang mga myoma.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page