ni Lolet Abania | June 4, 2022
Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na ang posibilidad ng local transmission ng Omicron BA.5 subvariant ay napakataas matapos na kanilang ma-detect ito sa dalawang indibidwal mula sa Region III.
“Once we detect this subvariant dito sa ating komunidad, malaki na po ang ating ginagawang index of suspicion na meron tayong lokal na transmission dahil nakita natin kung paano at ano ang linkage,” sabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.
Ayon kay Vergeire, tini-trace na ng health authorities kung may ibang mga indibidwal na nakuha na rin ang nasabing subvariant.
“Kapag nagkakaroon na kasi tayo ng tao na nade-detect natin na ganitong variant dito po sa ating community, the possibility that the transmission is local, is very high,” saad ni Vergeire, na giit niya ang dalawang indibidwal ay walang travel history sa labas ng bansa.
Aniya, ang mga pasyente ay na-develop ang mga sintomas noong Mayo 15 habang agad na sumailalim sa home isolation mula Mayo 16 hanggang Mayo 30. Pareho sila ngayong asymptomatic at nakarekober na. Sinabi naman ng DOH na isa sa dalawang kaso ng BA.5 ay babae na nasa late 30s, habang lalaki ang isa na nasa early 50s.
Natukoy na rin ng ahensiya ang dalawang close contacts, kung saan isa rito ay nagpositibo sa test sa COVID-19, at pareho naman ang mga ito na nananatili sa isolation.
Gayunman, nilinaw ni Vergeire na hindi pa ito klinaklasipika bilang community transmission ng BA.5 sa bansa.
“Currently, we cannot say that there is really a community transmission. Because if we say community transmission, we could no longer see the linkage of one case to another,” paliwanag ni Vergeire.
“So far we could still determine the linkage. What we have right now is the local transmission of the subvariant. But the community transmission, we still need to establish that through evidence,” dagdag ng opisyal.
Comments