ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 6, 2020
Nawala sa eksena ang prestihiyosong "face-to-face" na World Chess Olympiad na nakatakda sanang ganapin sa Russia dahil sa pag-atake ng coronavirus sa buong mundo pero hindi nagpakaldag ang world governing body ng ahedres sa pamamagitan ng pagsasaayos ng FIDE Online Olympiad 2020 simula Hulyo 22 hanggang Agosto 30.
Inaasahang daragsain ang paligsahan ng mga "chess-playing nations" kabilang na ang mga pandaigdigang puwersa mula sa China, America at Europa. Pumoporma na rin ang Pilipinas sa pagbuo ng team at marami ang umaasang hindi mapapatid ang "winning streak" ng bansa sa international online chess. Kamakailan ay itinanghal na world champion si FIDE Master Sander Severino sa IPCA tournament..
Nagsimula na ang pagpapatala para sa Online Olympiad ng FIDE. Anim na kasapi ang kinakailangan sa bawat koponan. Sa anim, dalawa ay dapat na women chesser at dalawa ang junior woodpushers (isang binatilyo at isang dalagita na kapwa ipinanganak noong taong 2000 pataas). Pinapayagang magkaroon ng anim na reserve chessers at isang team captain.
Sa Hulyo 13 ang huling araw ng pagpapatala habang sa Hulyo 16 naman ang pagbubunyag ng Continental Nominations.
Paiiralin ang 15 minuto - 5 segundo kada galaw na time control sa bakbakan. Mayroong dalawang bahagi ang Online Olympiad bukod pa sa play-off stages. Ang seedings ay nakabase sa resulta ng huling Gaprindashvili Cup at ng Batumi Chess Olympiad noong 2018.
Hindi pa nadedetermina ang internet chess platform na gagamitin sa paligsahan.
Samantala, sa salpukan ng mga elite na apisyunado ng ahedres, itinanghal na hari ng Online Chessable Masters si World Champion at Norwegian Grandmaster Magnus Carlsen matapos daigin si Dutch GM Anish Giri.
Comments