ni Lolet Abania | January 19, 2022
Ipinahayag ng Vatican nitong Martes na nag-pledge si Pope Francis ng halagang 100,000 ($114,000) euros para sa relief efforts na isinasagawa ng Pilipinas, matapos ang hagupit ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Batay sa situation report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 406 ang nasawi dahil kay ‘Odette’ habang 65 na mga indibidwal ang nananatiling nawawala at 1,265 naman ang mga nasaktan.
Nagdulot ang Bagyong Odette ng malawakang pinsala sa mga probinsiyang dinaanan nito, gaya ng Surigao del Norte, Dinagat Islands, Cebu, at Palawan.
Ayon din sa NDRRMC, 2,335,757 pamilya ang apektado ng bagyo mula sa 11 rehiyon at 38 na lalawigan.
Matatandaan noong Disyembre, nagpahayag ng pagkabahala si Pope Francis sa mga Pilipino matapos bayuhin ng Bagyong Odette.
Isang mensahe ang ibinigay ng Santo Papa sa Twitter para sa mga apektado ng bagyo, na may nakalagay pang hashtag #PrayTogether.
“I express my closeness to the population of the Philippines, struck by a strong typhoon that has caused many deaths and destroyed so many homes,” post ni Pope Francis.
“May the ‘Santo Niño’ bring consolation and hope to the families of those most affected,” sabi pa niya.
Ayon pa anunsiyo ng Vatican, si Pope Francis ay nag-pledge rin ng 100,000 euros upang makatulong naman sa mga migrante na naharang sa mga border sa pagitan ng Poland at Belarus.
Kasama sa naipagkaloob na pera ang suporta para sa Catholic charity Caritas Poland, anila, “to deal with the migration emergency on the border between the two countries.”
Comments