top of page
Search
BULGAR

Poong Hesus Nazareno, pag-asa ng masang Pilipino

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Jan. 12, 2025



Fr. Robert Reyes

Natapos noong nakaraang Huwebes, Enero 9, ang mahabang prusisyon ng imahe ni Hesus Poong Nazareno lulan ng andas na binagtas ang kahabaan ng 6.5 kilometrong daan mula sa looban ng Intramuros patungo ng simbahan ng Quiapo. Tinawag na Traslacion ang paghahatid ng imahe ng Itim na Nazareno upang balikan ang kauna-unahang paglipat ng imahe ng Poong Hesus Nazareno noong 1787. 


Sa ulat ng kapulisan, tinatayang hanggang anim na milyong deboto ang dumalo sa iba’t ibang bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno. Ang bulto ng mga deboto ay sumama mismo sa mahabang prusisyon na nagsimula ng madaling-araw ng Huwebes, Enero 9, ang araw ng naturang pista. 


Ngunit, Lunes pa lang ng bandang alas-8 ng gabi, nagsimula na ang ‘Pahalik’ sa imahe sa Quirino Grandstand, Rizal Park. Unti-unting dumating ang mga deboto ng Itim na Nazareno mula mga indibidwal, pamilya, grupo, parokya at iba’t ibang sektor ng lipunan na naniniwala sa mapaghimalang kapangyarihan ni Kristo sa pamamagitan ng debosyon na ito.


Ayon sa isang pari, ang debosyon sa Itim na Nazareno, partikular ang Traslacion, ay ang pagdiriwang ng “kolektibong pag-asa” o “collective hope.” Hindi pag-asa ng mga indibidwal kundi ang sama-samang pag-asa ng lahat ng mga debotong dumalo sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa taong ito. 


Upang madama at maibaon pauwi ang “kolektibong pag-asa” kailangang maranasan, maramdaman, makita ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagsasakripisyo ng libu-libo o milyun-milyong maliliit na mga mamamayang deboto ng Itim na Nazareno. Sasamahan ng dagat ng mga deboto, mga mananampalataya ang nagdurusang lingkod ng Diyos (suffering servant of the Lord) na sinasagisag ng imahe ng Itim na Nazareno. 


Maraming masasaktan, magugutom, mapapagod at mahahapo. Laging merong ilang hinihimatay at itatakbo sa ospital. Ngunit, hindi magrereklamo ang lahat dahil bahagi ito ng pananampalatayang pagkakatawang tao, o sa Ingles, “incarnational faith.”


Maraming Pinoy ang maglalakad ng nakapaa bilang penitensya. Maraming magsisikap na maabot ang lubid na nakatali sa andas at unti-unting hahatakin ang sarili tungo sa andas gamit ang lubid na mahigpit hinahawakan ng libong mga kamay. 


Maraming ang matutulakan. Halos lahat ng sumusunod at nagpupumilit na lumapit sa andas ay masasaktan at mahihirapan. Ngunit, bahagi ang lahat ng ito sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga debotong naroroon mula umpisa hanggang katapusan.


Naalala tuloy natin ang ginagawa taun-taon tuwing dumarating ang pista ng Itim na Nazareno ang kapatid na si Padre Emmanuel “Pong” del Rosario na yumao noong Setyembre 17, 2022, na kung mayroong “Batang Quiapo,” si Padre Pong naman ay isang “Paring Quiapo.” 


Masayang kasama si Padre Pong dahil walang kaplastikan, walang pagkukunwari. Kapag siya ay nagbabahagi o simpleng nakikipagkuwentuhan, totoo ang kanyang mga sinasabi na may halong malulutong na mura. Subalit, hindi magaspang at hindi bastos ang mura kundi parang natural na at madulas ang daloy ng salitang lumalabas sa kanyang bibig. 


Naaalala ko rin ang aking yumaong ama na madalas na nagpapakawala ng mura hindi laban kaninuman kundi bilang pamamahayag ng galak, halimbawa na kung nananalo ito sa mahjong laban sa kanyang mga kapatid.


Sa kabilang banda, pangkaraniwan ang kahulugan at kahalagahan ng “itim” na kulay ng

Nazareno. Gustung-gusto ito ng karaniwang Pinoy dahil kakulay daw tayo, lalo na ang sunog na balat ng mga mangingisda, magsasaka at manggagawa. Pinoy na Pinoy na kahit may paghihirap, pagtitiis ay walang kamatayan at pagsuko ng pag-asa sa kabutihan ng Diyos.


Napakahaba ng mga naganap mula pahalik hanggang sa prusisyon. Hindi nagmamadali ang mga deboto dahil kanilang ninanamnam ang bawat sandali ng pakikiisa nila sa imahe ng Itim na Nazareno. 


Kung maaari lang para sa mga deboto na sa kabila ng kanilang kapaguran at sari-saring pananakit ng kanilang pangangatawan, sana’y hindi na matapos ang pagdiriwang ng pistang ito. 


Namumutawi sa kanilang bibig ang katagang, “Mahal na mahal namin kayo Poong Hesus Nazareno. At alam naming mahal na mahal din ninyo kami. Alam naming hindi Ninyo kami iiwanan!” 


Salamat, salamat Poong Hesus Nazareno, ang pag-asa ng masang Pilipino. Amen.

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page