top of page
Search
  • BULGAR

Pons, Gonzaga at Rondina balik sa indoor volleyball

ni Gerard Arce @Sports | May 25, 2023




Bali-balitang nais magbalik sa laro sa indoor volleyball ang tatlong importanteng manlalaro ng national beach volleyball team na sina Bernadeth Pons, Jovelyn Gonzaga at Cherry Ann “Sisi” Rondina na inaabangan ng husto ng iba’t ibang koponan sa Premier Volleyball League (PVL).

Hindi naging matagumpay ang kinalabasan ng kanilang kampanya sa nagdaang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia nang mabigong makapag-uwi ng medalya matapos ang magkasunod na bronze medals sa 2019 Manila meet at 2021 Vietnam Games noong isang taon.

Parehong may kaugnayan sa Creamline Cool Smashers sina Pons at Rondina nang katawanin nila ang koponan sa BVR on Tour noong 2021, habang pansamantalang iniwan ni Gonzaga ang Army Black Mamba Lady Troopers upang tutukan ang pagsasanay sa beach games.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source, nagkaroon ng pagpupulong ang Philippine National Volleyball Federation (PNVF) upang pag-usapan ang magiging hakbang at kinabukasan ng koponan sa local at international competitions ng beach volleyball.

Kasalukuyang nagmamando sa koponan si national team head coach at Brazilian Joao Luciano Simao Barbosa, katulong sina Paul Doloiras, Romnick Rico, Rhovyl Verayo at John Paulo Agir.

Maugong ang balita sa social media na papasok na sa indoor si Pons sa koponan ng six-time titlist at All-Filipino champions Creamline, habang kinuha naman umano ng Choco Mucho Flying Titans ang serbisyo ng UAAP season 81 indoor at beach volley MVP na si Rondina, samantalang may mga lumabas rin sa social media na babalik ng Cignal HD Spikers si Gonzaga matapos ang ilang season sa Army. Sakaling mapagdesisyunang pumasok sa indoor tourney ng tatlong spikers ay maiiwan sa national squad si Floremel Rodriguez.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page