top of page
Search
BULGAR

Pondo sa kalusugan, dapat para sa kalusugan!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 31, 2024


Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Hindi titigil ang inyong Senator Kuya Bong Go na manawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na gamitin ang nakalaang pondo para sa pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino. Ang pondong para sa health ay dapat gamitin para sa health!


Hindi natin tatantanan ang pagbusisi sa ginagawang paglilipat sa Php 89.9 bilyon na sobrang pondo ng PhilHealth pabalik sa National Treasury. Bahagi ito ng P500 bilyon na reserve fund na natutulog at nakatengga lang habang patuloy ang pagdami ng mga mahihirap na pasyenteng naghihingalo at nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno.


Sa ating privilege speech sa Senado noong August 27, tiniyak natin na mahigpit nating hihimayin ang ihihirit na budget ng PhilHealth para sa susunod na taon. Humihingi ang ahensya ng P74 bilyong subsidiya mula sa national government para sa 2025. Pero kung sobra-sobra na at hindi naman nagagamit ng PhilHealth ang pondo nila ngayon, marahil ay mas maiging palakasin, palawakin at rebisahin muna nila ang kanilang kasalukuyang mga polisiya at benepisyo upang mapakinabangan ng taumbayan.


Alinsunod sa Universal Health Care Law, bawat Pilipino ay miyembro at benepisyaryo ng PhilHealth. Sa kabila nito, maraming pasyente ang hindi malaman kung saan kukuha ng pambayad sa pagpapaospital. Marami ang napipilitang magbenta o magsangla ng kanilang mga naipundar na ari-arian para lang may maibayad sa kanilang medical expenses. Hindi katanggap-tanggap para sa akin, at lalo na para sa isang mahirap na Pilipinong may sakit, na hindi niya mapakinabangan ang mga serbisyo sa panahong kailangang-kailangan ito.


May mga idinulog sa atin na mga karanasan ng PhilHealth members na talagang nakakalungkot. Nag-contribute sila, nagbayad nang wasto, at nabawasan ang suweldo. Pero nang pumanaw dahil sa sakit, lugi na nga sa natanggap na benepisyo, baon pa sa utang ang naulilang pamilya! Dapat mabigyan ng maayos na serbisyo ang ating mga kababayan. Kung ano ang ikino-contribute nila, dapat ay mapakinabangan nila.


Narito ang mga panawagan natin pati na mismong mga pangako ng PhilHealth sa pagdinig ng Senate Committee on Health na tayo ang chairman: dagdagan ang case rates, palawakin ang mga benepisyo ng kanilang mga programa, alisin na ang single period of confinement policy, irekomendang babaan ang premium contributions ng mga miyembro, itigil ang paglilipat ng sobrang pondo sa National Treasury, at gamitin ang kanilang pondo para matulungan lahat ng mga may sakit lalo na ang mahihirap. Ang kontribusyon ng bawat miyembro ay dapat natutumbasan ng sapat at angkop na serbisyo mula sa PhilHealth.


Kaugnay nito, sinuportahan natin ang panukalang pag-amyenda sa Universal Health Care (UHC) Act para mapababa ang premium contributions ng direct members ng ahensya. Layon ng Senate Bill No. (SBN) 2620, na rebisahin ang Republic Act (RA) No. 11223. Pumasa na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noon ding August 27, at isa tayo sa may akda at co-sponsor.


Bilang inyong senador, nanawagan din tayo sa mga kapwa mambabatas at mga kapwa nasa gobyerno na magtulungan para marating ang full implementation ng UHC Law at, higit sa lahat, para maisakatuparan natin ang pagkakaroon ng epektibong healthcare system na mapakikinabangan ng bawat Pilipino.


Samantala, patuloy rin tayo sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Kahapon, August 30, ay nasa Cateel, Davao Oriental tayo at namahagi ng tulong para sa 720 mahihirap na residente katuwang si Mayor Emilou Nuñez, na sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa national government. Kasama ang butihing mayora, nag-inspection tayo sa Super Health Center sa Brgy. Poblacion, at sinaksihan din ang turnover ng isa pang Super Health Center sa Cateel.


Pinangunahan din natin sa Cateel ang pamamahagi ng tulong gaya ng para sa 1,750 mahihirap katuwang si BM Nonoy Villademosa, at sa 1,500 residenteng kapos ang kinikita kasama natin si Cong. Nelson Dayanghirang. May tulong pinansyal din mula sa national government.


Naghatid naman tayo ng tulong sa mga taga-Baganga katuwang si Mayor Pepot Lara kabilang ang 1,015 mahihirap na may natanggap ding tulong mula sa pamahalaan, at ang 610 na nawalan ng hanapbuhay na nabigyan naman ng pansamantalang trabaho. Nag-inspeksyon din tayo sa itinayong Super Health Center sa Barangay Dapnan kasama si Mayor Lara. Sa Brgy. Salingkumot ay 1,750 mahihirap ang nabigyan natin ng tulong katuwang si Councilor Roy Nazareno.


Samantala, sinimulan na noong August 28 ang pagtatayo ng Super Health Center sa Brgy. Torralba, Banga, Aklan na sinaksihan ng aking tanggapan. Kinumusta ko rin ang mga barangay officials ng Tarlac City sa pamamagitan ng video call nang sila ay bumisita sa Davao City para sa kanilang study tour.


Patuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga nahaharap sa iba’t ibang krisis at natulungan ang 58 residente ng Brgy. Buli, Muntinlupa City na naging biktima ng sunog.


Kasama si Mayor Jeri Mae Calderon, binalikan natin at muling tinulungan ang 54 residente ng Angono, Rizal, bukod sa tulong pinansyal mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagpapaayos ng kanilang tahanan.


Naghatid din tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay bukod sa pansamantalang trabaho na isinulong natin para sa kanila. Sa Bataan, naalalayan ang 177 sa Balanga katuwang si Gov. Joet Garcia; 384 sa Samal kasama si VM Ronnie Ortiguerra at mga konsehal; 88 sa Mariveles kaagapay si BM Iya Roque; 297 sa Limay katuwang si VM Richie David at mga konsehal; at 88 sa Abucay kaagapay si Mayor Robin Tagle. Sa Batangas City ay natulungan ang 50 katuwang si former Brgy. Chairman Emma Tumambing, at 50 pa kasama si BM Claudette Ambida. May 505 din sa Tanauan City katuwang sina Mayor Sonny Collantes, VM Junjun Trinidad, BM Rodolfo Balba, at BM Alfredo Corona. May 450 sa Muñoz, Nueva Ecija katuwang si Mayor Vener Muñoz at mga iba pang lokal na opisyal; 33 sa Casiguran, Aurora kaagapay si VG Jennifer Araña; 41 sa Kapitolyo, Pasig City kasama si Kap. Alex Torres; at 18 sa Rizal, Zamboanga del Norte katuwang si Mayor Marissa Manigsaca.


Natulungan din natin ang 814 estudyante sa Balayan, Batangas katuwang si BM Armie Bausas; at 198 residente ng Mapanas, Northern Samar kaagapay si OCD RD Byron Torrecarion.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo dahil bisyo ko na ang magserbisyo. Naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page