ni BRT @News | August 14, 2023
Bibigyan ng bagong direksyon ang Sangguniang Kabataan (SK) lalo na sa paggamit ng kanilang pondo na dapat umano'y nakatuon sa mga programa na naaayon sa nation-building policies ng gobyerno.
Sa isang Pulong-Balitaan, kinuwestiyon ng National Youth Commission (NYC) ang paggamit ng SK sa kanilang pondo.
Kalimitan umano sa pondo ng SK ay nauubos sa pa-liga o pa-beauty contest.
Dahil dito, inilahad ni NYC Usec. Ronald Cardema na magpapasa sila ng resolusyon hinggil sa tamang paggamit ng SK sa kanilang pondo na dapat nakatuon sa nation-building.
“Magpasa kami ng resolution ngayon directing the SKs, especially the upcoming SKs na ang inyong pondo gagamitin n'yo doon sa policies ng ating bansa for nation-building,” ani Cardema.
Kabilang umano sa dapat bigyang prayoridad ng SK sa kanilang pondo ang disaster preparedness, barangay clean-up tulad ng anti-vandalism, at feeding program para sa mga malnourished na kabataan sa kanilang komunidad.
Nais din umano nilang patutukan sa SK ang pagtataguyod ng isang ‘help desk’ kung saan makakatakbo ang mga kabataang biktima ng karahasan o pang-aabuso.
Una nang nabatid mula kay Department of Justice (DOJ) Sec. Jesus Crispin Remulla na higit sa kalahating benepisyaryo ng kanilang Witness Protection Program ay napupunta sa mga batang nagagahasa.
Maglulunsad din umano sila ng isang national nation-building event kada buwan para sa mga magiging bagong-halal na SK official.
“Mapatunayan nila na sila ang pag-asa ng bayan. 'Yung mga sitwasyon sa bansa na alam n'yo sa utak n'yo na wala ng pag-asa 'yan, bubuhayin natin 'yung titulo nila na pag-asa sila ng bayan. Gugulatin natin ang lipunan na naayos pala kada buwan ang ating bansa sa pamamagitan ng Sangguniang Kabataan,” ani Cardema.
Comments