ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Dec. 14, 2024
Niratipikahan na ng Senado noong December 11 ang Bicameral Committee Report kung saan nakasaad na zero budget, o hindi maglalaan ang gobyerno ng pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa susunod na taon. Mariin natin itong tinutulan at patuloy nating ihahayag ang hinaing ng taumbayan laban dito.
Bagama’t nadiskubre natin na may mahigit P500 bilyong reserve fund ang PhilHealth matapos ang sunud-sunod na Senate Health Committee hearings na ating pinangunahan, hindi ako sumasang-ayon na tuluyan na nating hindi bigyan ng subsidiya ang PhilHealth. Anti-poor ito at hindi katanggap-tanggap!
Napakahalaga na matiyak ng gobyerno ang suporta nito sa PhilHealth para mas mapalawak pa ang mga benepisyo nito lalo na sa mga mahihirap na pasyente. Pero paano ito maisasagawa ng ahensya kung ni piso ay walang ibibigay na subsidiya ang gobyerno para rito?
Ipinaglalaban natin ang tamang paggamit ng pondo ng PhilHealth, pero dapat ding suportahan natin ang hangaring ito sa pamamagitan ng pagsigurong mapupunta sa health ang pondo na para naman talaga sa health — na naaayon sa batas! Hindi ito dapat mapunta sa ibang paggagamitan. Ang tanong kasi ng taumbayan: Kung hindi popondohan ang PhilHealth, saan inilagay ang budget na unang inilaan para rito?
Tandaan natin na alinsunod sa Universal Health Care Law, dapat ay ibaba natin nang husto ang bayaring pangmedikal ng bawat Pilipino sa mga susunod na taon. Malayung-malayo pa tayo sa hangaring ito, at baka lalo pa tayong aatras dahil sa zero budget ng PhilHealth.
Uulitin ko, mga mahihirap na pasyente ang kawawa rito. Malaking tulong sa indigent patients kung mapapaganda ang benepisyo ng PhilHealth para mabawasan ang kanilang gastos o out-of-pocket expenses. Imbes na ibayad sa ospital, puwede na nila itong ipambili ng gamot, pagkain, at iba pa nilang pangangailangan.
Gayunpaman, bilang vice chair ng Senate Finance Committee at Chairperson ng iba’t ibang komite sa kalusugan, sa kabataan, at sa sports, suportado ko ang ibang mga probisyon sa panukalang budget na naglalayong paigtingin ang mga programa para sa mahihirap at pinakanangangailangan.
Basta para sa interes ng ating mga kababayan, susuporta ako. Pero kapag may nakikita akong mali, magsasalita ako bilang inyong Mr. Malasakit na walang ibang bisyo kundi magserbisyo!
Bilang chair ng Senate Committee on Sports, at on Youth, sinaksihan natin ang ginanap na CHED All-Star Basketball Friendship Game Opening Ceremony sa Quezon City sa paanyaya ni CHED Chair Popoy de Vera. Muling binigyan natin ng tulong ang 228 residente ng Taguig City na naging biktima ng sakuna. Nakatanggap din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili ang mga benepisyaryo ng materyales na pagpapaayos ng kanilang nasirang tirahan. Dumalo rin tayo sa Oriental Mindoro Mayors Christmas Party sa paanyaya ni Governor Bonz Dolor, na ginanap sa Maynila. Dumaan din tayo at bumati ng maligayang Pasko sa LMP National Officers na nagtipun-tipon sa parehong lugar.
Nag-abot din tayo ng tulong para sa 1,500 mahihirap na residente ng Labangan, Zamboanga del Sur katuwang si Mayor Eddie Relacion. Sa ating inisyatiba, nabigyan din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan. Nagpaabot din tayo ng mensahe sa ginanap na Philippine Councilors League Negros Occidental Year End Assembly na ginanap sa Bacolod City.
Kahapon, pumunta ako sa Pangasinan, kung saan ako ay isang adopted son, at namigay ng regalo para sa 1,500 day-care students at kanilang guardians sa Calasiao kasama sina Vice Gov. Mark Lambino, Mayor Kevin Macanlalay, Vice Mayor Nestor Gabrillo, at BM Shiela Baniqued. Pagkatapos ay personal nating pinangunahan ang pagbibigay ng tulong sa 1,000 mahihirap katuwang si Governor Ramon Guico, na sa ating pamamagitan ay napagkalooban din ng lokal na pamahalaan ng tulong pinansyal. Nakiisa rin tayo sa ginanap na Barangay Captains Day sa Lingayen na dinaluhan ng 1,500 katao.
Sinaksihan naman ng aking opisina ang inagurasyon ng Super Health Center sa Bansud, Oriental Mindoro kasama si Mayor Ronaldo Morada.
Pinagkalooban tayo ng parangal bilang “Outstanding Servant Awardee” ng Golden Globe Annual Awards for Business Excellence (GGAABE) and Filipino Achievers na ginanap sa Maynila. With or without award, patuloy akong magseserbisyo.
Nagpaabot din ang aking opisina ng tulong para sa 1,000 estudyante ng Candaba, Pampanga, katuwang si Mayor Rene Maglanque.
Sa pamamagitan ng aking Malasakit Team, nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa mga naging biktima ng kalamidad gaya ng 34 sa Maco, Davao de Oro; 269 sa Las Piñas City; 50 sa Pateros; 36 sa Makati City; at 67 sa Bacoor City, Cavite. Nakatanggap din sila ng emergency housing allowance mula sa NHA na ating isinulong.
Nagkaloob din tayo ng dagdag na suporta para sa 347 scholars sa Dapitan City. Naalalayan natin ang 88 nawalan ng hanapbuhay sa San Jose, Tarlac katuwang si Mayor Romeo Capitulo, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho.
Sa aking pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala at iniatang ninyo sa akin, ang laging layunin ko ay makapagtrabaho at makapagserbisyo sa inyo, lalo na sa mga mahihirap at higit na nangangailangan, sa abot ng aking makakaya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments