ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 14, 2022
Nitong Oktubre 10, 2022 ay nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Republic Act No. (RA) 11934 o ang “An Act Requiring the Registration of SIM Cards” sa Malacañang. Isa ako sa nagsulong ng nasabing batas bilang co-author at co-sponsor sa Senado. Kabilang din ako sa mga opisyal ng pamahalaan na sumaksi sa kauna-unahang batas na nilagdaan ng ating kasalukuyang Pangulo.
Layunin ng bagong batas na ma-regulate ang pagbebenta ng subscriber identity module o SIM cards para masugpo ang paglaganap ng mga manloloko gamit ang text scams sa ating bansa. Ako ay natutuwa ngayong ipatutupad na ang RA 11934 dahil ako mismo ay madalas maging biktima ng text scams at nagagamit pa ang aking pangalan, maging ang aking opisina, sa panloloko nitong mga scammers. Sa batas na ito, kailangan na magparehistro ng mga SIM owners, maaari nang ma-identify kung sino ang gumagamit nito at gamitin man nila sa kalokohan o kriminal na paraan ay maaari na silang ma-identify at mas madali na rin silang mahuhuli.
Sa Senado naman ay patuloy ang pagdinig nitong linggong ito para sa mga hinihiling na pondo ng mga ahensya ng pamahalaan para sa 2023. Bilang isa sa mga Vice-Chair ng Senate Committee on Finance, pinamunuan ko ang committee hearing na tumalakay sa budget ng Philippine Sports Commission at Games and Amusements Board. Bilang Chair rin ng Senate Committee on Sports, sisiguraduhin nating may sapat na pondo para sa ating grassroots sports development programs upang masuportahan ang mga Pilipinong atleta at para mailayo rin ang mga kabataan sa masasamang bisyo, tulad ng ilegal na droga. Sabi ko nga, “Get into sports and stay away from drugs!”
Kabilang din sa mga tinalakay ngayong linggo ay ang budget ng Office of the President, kasama ang Presidential Management Staff, at iba pang mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Social Welfare and Development. Suportado ko ang pagkakaloob ng pondo sa mga ahensya at institusyong ito para mas mapalawak pa ng pamahalaan ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa bawat Pilipino.
Sa budget hearing ng OP at PMS ay naikuwento ko na ako mismo, alam ko ang trabaho nila dahil ilang taon ko ring nakasama ang mga empleyado sa Malacañang noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Saksi ako sa kanilang sipag, integridad at propesyonalismo.
Bilang senador, hangad ko rin ang tagumpay ng bagong administrasyon ni P-BBM, at handa akong suportahan ang mga legislative agenda na sa tingin ko ay makakabuti sa mamamayan. Nasa likod ninyo ang milyun-milyong Pilipino, kaya sigurado akong maipatutupad ang mga programa na maghahatid sa ating bansa at mga kababayan ng kaunlaran.
Tiwala rin akong gagamitin nila sa tama ang ilalaang budget para sa kapakanan ng buong sambayanang Pilipino. Ako naman, basta ang hininging pondo ng alinmang ahensya ay ginagamit sa tama at napakikinabangan ng mga Pilipino, lalo na ng pinakamahihirap, suportado ko 'yan.
At tulad ng dati, sa kabila ng ating pagiging abala sa ating tungkulin bilang senador ay hindi ko kinakaligtaan ang paghahatid ng serbisyo at malasakit sa mga kababayan nating apektado pa rin ng pandemya at iba pang krisis ang kabuhayan.
Personal akong bumisita sa San Juan City at naghatid ng pagkain, vitamins, face masks at damit para sa 300 maliliit na negosyante sa lungsod. May ilang napagkalooban ng phablets, relo, sapatos, bisikleta at bola ng basketball at volleyball. Katuwang ang pamahalaang lokal at ang DSWD, inalalayan natin ang mga benepisaryong makabangong muli sa pamamagitan ng livelihood assistance grants.
Maagap din tayong umayuda sa 15 pamilyang nasunugan sa Bgy. Ususan at New Lower Bicutan sa Taguig City para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Pinagaan din natin ang dalahin ng 1,600 residente ng Dasmariñas City, Cavite; 1,000 benepisaryo sa Taal, at 551 pa sa Ibaan sa Batangas; 983 sa Bgys. Umapad, Casili, Cubacub at Casuntingan sa Mandaue City, Cebu; 498 sa Baliuag, Bulacan; 400 sa Tigbauan, Iloilo; at 187 pa sa Hermosa, Bataan.
Patuloy din tayo sa pagkakaloob ng suportang pangkabuhayan sa maliliit na negosyante na backbone ng ating ekonomiya. Sa Pangasinan, natulungan natin ang 250 MSMEs sa Dagupan City; 200 sa San Jacinto; at 178 sa Manaoag. Katulad na ayuda rin ang inihatid natin sa Negros Occidental para sa 300 benepisaryo sa Pontevedra; at 200 pa sa Don Salvador Benedicto. Sa Batanes, sumaya rin ang 117 benepisaryo sa Uyugan at 93 pa sa Basco.
Sinaklolohan din natin ang mga MSMEs sa iba pang komunidad, tulad ng 1,000 benepisaryo sa Sibalom, Antique; 400 sa Suyo, Ilocos Sur; 330 sa San Gabriel at San Juan sa La Union; 229 sa Mangaldan at San Fabian sa Pangasinan; 134 sa Hilongos, Leyte; at 100 pa sa Sudipen, Bangar, Luna, La Union.
Payo ko sa mga benepisaryo, gamitin nila sa tama ang puhunang nakuha nila at iuwi nila sa kanilang pamilya ang kanilang kikitain. Mas masarap sa pakiramdam kapag pinaghirapang lumago ang maliit na negosyo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments