top of page
Search
BULGAR

Pondo, hihimayin ng finance committee kontra illegal insertions!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | October 31, 2020



Agaran pero malalimang pagbusisi. Ganyan ang gagawing pagbalangkas ng Mataas na Kapulungan, sa pangunguna ng ating komite, ang senate committee on finance sa 2021 national budget.


Matatandaang, isinumite noong Oktubre 27 ng Mababang Kapulungan, sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco ang kanilang aprubadong bersiyon ng national budget sa Senado. Isang araw na mas maaga kaysa unang napagkasundugang Oktubre 28.


Ngayong nasa atin na ang huling pagbusisi sa national budget, sisikapin nating maipasa ito ngayong Nobyembre, matapos itong sertipikahan ng Pangulo bilang urgent bill.


Balik-sesyon ang Mataas na Kapulungan ngayong Nobyembre 9 kaya’t maaaring mapasimulan na ang pagdinig sa 2021 General Appropriations Budget o GAB at inaasahang matatapos ang pagbalangkas dito on third and final reading bago o sa katapusan ng Nobyembre. At sakali ngang lumusot ito on or before end of November, maaari nang mag-convene sa bicameral conference ang dalawang Kamara.


Sa tinatawag na bicameral conference, dito sasalain ang mga hindi pagkakaintindihan o ang mga sigalot ng mga mambabatas at senador sa aaprubahang bersiyon. Dito pag-iisahin ang bersiyon ng Kamara de Representantes at ng Senado. At ipanalangin na lang natin na sana, ‘wag na tayong makatisod ng kung anu-ano pang aberya o problema sa bicam para pagdating ng Disyembre ay maaprubahan na ito ng dalawang sangay ng Kongreso at maipadala na sa tanggapan ng Pangulo bago mag-Enero. Dahil pagdating ng Enero 1, dapat may bago na tayong national budget.


Bakit nga ba natin minamadali ang pagpasa nito?


Napaka-kritikal na maipasa ito sa lalong madaling panahon para maiwasan ang pagkakaroon ng reenacted budget. Malaking bahagi ng 2021 national budget ay nakatuon sa pagtuligsa sa COVID-19 at sa mga tulong na inilaan sa iba’t ibang sektor ng lipunan na talagang lupaypay sa tindi ng epekto ng pandemyang ito.


Pero kahit sinasabing “marathon hearing” ang gagawin ng Senado sa 2021 GAB, hindi ibig sabihin ay ganun-ganun na lang. Bubusisiin natin ‘yan. Kung pamilyar ang publiko sa national budget hearings sa Senado, napakarami nating kasamahan sa Mataas na Kapulungan na talagang hanggang sa pinakamaliit na sentimo, sinisilip nila ‘yan. ‘Yan ay para matiyak na walang makasisingit na anomalya sa pondo at masigurong walang makasasalising pork barrel dahil ilegal at unconstitutional ‘yan bale sa deklarasayon ng Korte Suprema.


At nagpapasalamat tayo sa ipinahayag na tiwala sa ating komite ni Senate President Tito Sotto sa kanyang panayam sa media, nang sabihin niyang hindi tayo magpapatumpik-tumpik sa pagkastigo sa bawat departamento na kakikitaan natin ng katiwalian sa kanilang pondo.


Napakahalagang maipasa sa lalong madaling panahon ang national budget dahil maraming nakaantabay na programa na nangangailangan ng kaukulang pondo para sa susunod na taon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

0 comments

Recent Posts

See All

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page