ni Ryan Sison - @Boses | June 03, 2021
Matapos ang magkakasunod na insidenteng kinasasangkutan ng ilang pulis, heto at may panibago na namang pulis na buking sa pangongotong sa PNP applicant.
Kamakailan, timbog ang isang pulis na driver ng ambulansiya ng PNP Health Service na nangongotong ng P100,000 sa isang police applicant sa ikinasang entrapment operation sa Caloocan City.
Ang entrapment operation ay kasunod ng reklamo ng isang aplikante na hinihingan umano ng P100,000 ng suspek upang maproseso ng PNP recruitment.
Gayunman, hindi ito ang unang pagkakataon na nahuli ang suspek dahil napag-alaman na nagkaroon na ito ng kaso noong Abril 2020 na nag-ugat din sa reklamo ng PNP applicant.
Pinangakuan umano ng suspek ang mga aplikante na may problema sa kalusugan na makakapasa sa medical examination kapalit ng P100,000 hanggang P150,000 na bayad.
Nakaaalarma dahil kung ang suspek ay nahuli na noon at nagawa pang umulit ngayon, ano pang susunod na gagawin nito? Malamang, mayroon itong kasabwat at kailangan din itong tutukan ng mga awtoridad.
Panawagan sa mga kinauukulan, linisin ang hanay ng kapulisan sa lalong madaling panahon. Sila dapat ang nangunguna sa pagpapanatili ng peace and order, at hindi ‘yung ugat ng panibagong sakit ng ulo.
At ngayong patuloy ang recruitment sa PNP, tiyaking hindi nadaan sa ganitong modus ang mga aplikante. Kumbaga, siguraduhing may “K” magsilbi sa bayan ang mga matatanggap at hindi ‘yung mga may “lagay”.
‘Ika nga, panahon na para sipain ang mga “police scalawags” at palitan ng mga matitino at mapagkakatiwalaang pulis.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments