ni Julie Bonifacio @Winner | June 14, 2023
Tinuluyan nang sampahan ni Pokwang ng kaso ang ex-partner niya at ama ng kanyang bunsong anak na si Lee O’Brian.
Personal na nagpunta si Pokwang sa Bureau of Immigration kahapon para ihain ang reklamo niya kay Lee kasama ang kanyang abogado na si Ralph Calinisan.
Ibinahagi ni Pokwang ang dokumento ng pag-file niya ng petition for deportation case kontra kay Lee sa opisina ng BI.
Caption ni Pokwang sa kanyang Instagram post: “Para sa karapatan ko at ng anak ko, para sa mga kapwa ko babae at sa bayan ko.”
Maraming netizens ang sumaludo sa ginawa ng komedyana.
“Saludo ako sa ‘yo, Mamang Pokie! Sa paninindigan at hindi pagsuko kahit maraming epal sa mundo! Hahahaha! God bless you and your fam.”
“Pray lang na hindi magpakasal ‘yan. If the new wife files a spousal visa for him which he is entitled, hindi ‘yan made-deport.”
“Go, Mamsshhh!! Baka madagdagan pa ang mga Pinay sa clickbait ni Kano, itapon na ‘yan pabalik ng bansa niya, tutal ‘di naman nagsusustento ‘yan,” ilan sa mga komentong nabasa namin.
At siyempre, hindi mawawala ang mga bashers ng komedyana sa ganitong usapin, “Ano’ng kinalaman ng bayan sa love life mo, Mamang?!”
Hindi pinalampas ni Pokwang ang comment na ‘to sa kanyang IG post. Sagot niya, “Sa mga deadma sa batas, ‘yun ang ibig kong sabihin dito, mga walang pake na dayuhan!”
May tsika rin na kaya raw ginawa ito ni Pokwang kay Lee ay hindi lang dahil sa kawalan ng financial support ng Amerikano sa kanilang anak na si Malia O’Brian, kundi wala rin daw kasi itong paramdam kahit nasa ‘Pinas lang naman.
At dahil ‘di kasal at ‘di rin ipinanganak sa Amerika si Malia, baka raw ‘di rin considered ang bata bilang US citizen.
Pero, baka naman may chance rin kung nakapirma si Lee sa birth certificate ni Malia as evidence na siya ang tatay.
Kunsabagay, ‘di naman yata big deal kay Pokie kung US citizen man o hindi si Malia.
Comments