ni Ka Ambo @Bistado | Oct. 23, 2024
Maraming gusali ang mababakante na ipinagawa para sa POGO.
Marami rin ang mawawalan ng trabaho.
-----$$$--
ANG POGO ay maituturing na modernong jueteng.
Parehong sugal ito na ginagawang “gatasang baka” at pinagmumulan ng intelehensiya.
----$$$--
KUNG paanong hindi naman nabuwag ang jueteng at nananatili ang jueteng lord, ganyan din ang POGO — hindi iyan maglalaho.
Maghuhunos lang ‘yan sa ibang “tawag o pangalan” at siyempre, nariyan pa rin ang POGO lord.
-----$$$--
KAPAG sinabing “lord”— hindi iyan nakikita, hindi iyan maaaresto, hindi rin ‘yan
makakasuhan.
Ang mga binabanggit na “naarestong gambling lord” — ay hindi totoong lord, bagkus sila ay ilan lamang sa front o “nagkatawang tao”.
-----$$$--
OPO, ang gambling lord ay “immortal” — ang personalidad na tinutukoy na “gambling lord” na nagkatawang tao — ay front lamang — at kahit ikulong o i-EJK mo ‘yan — mananatili pa rin ang POGO o gambling.
----$$$--
GANYAN din sa kaso ng illegal drugs, immortal din ang mga drug lord -- kahit may maaresto, o mapatay — front lamang iyan ng isang “dambuhalang iskema”.
OPO, iskema o sitwasyon ang mga institusyonalisadong sindikato, nakabaon sa sistema ng gobyerno at lipunan.
-----$$$--
KAKAMBAL kasi ng ilegalidad ay ang pusakal na corruption.
Ang lahat ng gobyerno ay hindi nakakaligtas sa pangil ng korupsiyon — demokrasya man o komunista.
-----$$$--
ANG tanging makakasugpo sa ilegalista at korupsiyon ay ang isang seryoso at matinong ideolohiya.
Pero, ang ideolohiya ay hindi basta-basta isinisilang o isinusulong.
-----$$$--
ANG mabuting ideolohiya ay kumpleto ang sangkap o formula.
Pero, ito ay inilililok, hinuhubog at ipinakikipaglaban lamang ng isang mabuting lider na may karisma.
----$$$--
MALAKI ang tama ninyo, kahit may mabuting ideolohiya, pero wala namang charismatic leader na magsusulong nito, mabibigo pa rin na mabago ang gobyerno at lipunan.
Ang mabuting ideolohiya ay posibleng gamitin o maging kasangkapan o instrument sa korupsiyon ng isang dispalinghadong lider.
-----$$$--
HALOS imposibleng mabago ang isang bulok na lipunan dahil sa kawalan ng angkop na ideolohiya at kawalan ng isang karismatikong lider.
Sa modernisasyon at panahon ng artificial intelligence, maiiwanan tayo ng panahon at lalong magkakaletse-letse ang ating lipunan.
-----$$$--
TULAD ng paniniwala ni Dr. Jose Rizal, tanging ang mga kabataan ang may kakayahang baguhin ang lipunan dahil ang ating henerasyon ay nakabaon sa putik ng korupsiyon at kawalanghiyaan.
Hindi nag-iisa ang Pilipinas, iyan din ang problema sa buong daigdig.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments