ni Ryan Sison @Boses | Nov. 18, 2024
Sa ganitong panahon na may mga bagyo, marami sa mga kababayan ang napapaisip kung iiwan ba nila o hindi ang kanilang mga tahanan sakaling magpatupad na ng force evacuation dahil batid nilang kung hindi sa mga paaralan ay sa mga simbahan sila ililikas ng ating pamahalaan.
Kaya naman isang dating mambabatas ang nagrekomenda na gamitin o gawing pansamantalang tirahan sa panahon ng mga kalamidad at sakuna ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs na napasailalim sa forfeiture case o na-forfeit ng gobyerno.
Ayon kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, marami POGO facilities na napasakamay na ng pamahalaan sa mga lugar gaya ng Bamban, Tarlac; Porac, Pampanga; Bataan, Bulacan at Cagayan, na maaaring magsilbi bilang mga well-equipped evacuation center dahil mas maluwag at malaki ang mga ito.
Binigyang-diin niya na ang POGO hubs na mga ito ay ideal o perpekto na pansamantalang evacuation sites dahil ang ilang mga compound ay may sariling medical clinics at may sapat na espasyo, kung saan naaangkop ang mga ito na mga emergency shelter.
Iginiit pa niyang mas makabubuting gamitin na muna ang mga POGO hubs bilang evacuation centers habang hinihintay na maipasa ang Permanent Evacuation Centers Bill.
Marahil, mas may pakinabang ang mga POGO hubs na ito para gawing evacuation centers ng mga sinasalanta ng bagyo o anumang sakuna.
Kaysa sa mga paaralan ilikas na halos nagsisiksikan na ang ating mga kababayan at walang maayos na mga pasilidad, habang ang ating mga estudyante naman ay labis na naaapektuhan at nagagambala ang kanilang sa pag-aaral.
Kailangan talaga nating pangalagaan ang mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga disenteng tirahan, kabilang din ang pamamahagi ng mga relief goods sa kanila.
Hiling lang natin sa gobyerno na sana ay magkaroon na tayo ng maayos at permanenteng evacuation center, kung saan pag-uukulan talaga ng malaking pondo ang pagpapatayo nito upang makapagbigay kahit paano ng kaginhawaan sa mga mamamayan sa panahon na nararanasan ang matinding kalamidad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments