ni Gina Pleñago | June 23, 2020
Nasawi ang isang police official habang sugatan ang isa sa mga tauhan nito nang makaengkuwentro ng riding-in-tandem na kanilang sinita dahil walang suot na helmet kung saan napatay din ang isa sa mga suspek sa Parañaque City.
Binawian ng buhay alas-12:15 ng hatinggabi sa San Juan De Dios Hospital sanhi ng ilang tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktimang si P/Lt. Armand Melad, 41, ng Camarin Caloocan City.
Ginagamot naman ang tauhan nitong si P/Cpl. Allan Baltazar, 31, kapwa nakatalaga sa PCP-1.
Hindi naman umabot ng buhay sa Ospital ng Parañaque ang isa sa mga suspek na si Moamar Sarif, 31, ng Bgy. Baclaran, na nabaril sa kaliwang bahagi ng ulo.
Nagsasagawa na ng follow-up operation laban sa kasama nito.
Base sa report na natanggap ng Southern Police District, nangyari ang barilan alas-9:45 kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Unida at Dimasalang Sts., Bgy Baclaran.
Habang nagpapatupad ng GCQ sa nabanggit na lugar, nakatanggap ng tawag ang PCP-1 mula sa 911 dahil sa reklamong maingay sanhi ng videoke.
Nagresponde naman agad sina P/Lt. Melad at P/Cpl. Baltazar sakay ng mobile car at dito namataan ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo na walang suot na helmet kaya sinita ang mga ito.
Sa halip na tumigil, bumunot ng baril ang isa sa suspek at pinutukan ang mga pulis kung saan tinamaan ang dalawa.
Gumanti ng putok ang isa sa mga pulis na si P/Ssgt. Lenard Quindo at tinamaan ang suspek na si Sarif at ang kasama nito ay dali-daling tumakas.
Nang tingnan ng mga imbestigador ang bag na dala ng suspek, nakita rito ang ilang plastic sachet na hinihinalang shabu.
Comments