top of page
Search

PNP, imbes magsori, pinanindigan pa ang maling pagdaan sa EDSA busway ng convoy

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 28, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SURVEY NG BAGONG SURVEY FIRM NA WR, PINAGTAWANAN NG NETIZENS, KARAMIHAN SA PASOK SA TOP 12 SENATORIABLES MGA ACTION STAR AT KOMEDYANTE -- Daming netizens ang nag-haha react o naghagalpakan ng tawa sa inilabas na senatorial survey ng bagong survey firm na WR Numero firm.

Kaya maraming nagtawanang netizens kasi karamihan sa mga inanunsyo nitong pasok sa top 12 senatoriables ay mga artista, may mga action star at komedyante pa, boom !


XXX


MALAMANG WALANG MAGANAP NA IMPEACHMENT TRIAL KAY VP SARA KAPAG SABLAY ANG SAGOT SA SC NG KAMARA AT SENADO -- Pinatulan na ng Supreme Court (SC) ang hirit na temporary restraining order (TRO) ni Vice President Sara Duterte-Carpio nang atasan nito ang Kamara at Senado na sagutin o magkomento sa hiling ng bise presidente na ipatigil ang impeachment complaints laban sa kanya.


Ang nais nating ipunto rito ay kapag sablay ang mga sagot dito ng Kamara at Senado ay malamang, ibasura o ipahinto ng SC ang mga impeachment complaint laban kay VP Sara, na ang ibig sabihin ay baka walang maganap na impeachment trial sa bise presidente, period!


XXX


BAGONG PCO USEC. NI PBBM, TAKLESA -- Sinagot ni newly appointed PCO Presidential Communication Office (PCO) Usec. Atty. Claire Castro ang atake ni ex-P-Duterte laban sa Marcos administration na dahil daw sa kapabayaan ay kaya raw bumalik na sa Davao, Cebu at Manila ang illegal drugs at kriminalidad.


Resbak ni Usec. Claire na kung kasama raw ang Davao sa sinasabi ng ex-president na bumalik ang kalakaran ng droga at kriminalidad ay dapat daw ang sisihin nito ang kanyang anak na alkalde ng Davao City na si Mayor Baste Duterte.


Iyan ang bagong PCO usec. ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), napakataklesa, boom!


XXX


IMBES MAG-SORRY, PINANINDIGAN PA NG PNP ANG MALING PAGDAAN SA EDSA BUSWAY NG CONVOY NG POLICE HIGH RANKING OFFICIAL -- Ipinagtanggol ni PNP spokesman, Brig. Gen. Jean Fajardo ang pagdaan sa EDSA busway ng convoy ng isang high ranking official dahil emergency raw ito, na kinakailangang makarating ito sa tamang oras sa pulong sa Camp Crame.


Dahil diyan ay mas lalong nagduda ang publiko na si PNP Chief Gen. Rommel Marbil ang convoy na dumaan sa EDSA busway.


Hay naku, imbes mag-sorry ay pinanindigan pa ng PNP ang maling ginawa ng convoy ng police high ranking official na pagdaan sa EDSA busway, pwe!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page