ni Jasmin Joy Evangelista | October 25, 2021
Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nangyaring pagsabog ng hand grenade malapit sa convoy ni Maguindanao Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu noong Oktubre 23.
“Our police investigators should not leave any stone unturned in determining the motive and identifying the perpetrator of the grenade blast. Lahat ng anggulo ay ating titingnan sa insidenteng ito,” ani Eleazar.
Nangyari ang pagsabog ng granada nang dumaan sa detachment ng militar sa Guindulungan, Maguindanao noong Sabado ang convoy ng 20-30 sasakyan ni Mangudadatu at ng kanyang grupo.
“Isa lang sa maraming posibleng motibo sa insidente ang sinasabing pagtarget kay Maguindanao Rep. Esmael Mangudadatu. Maaari rin kasing nagkataon lang na dumaan ang convoy niya nang naganap ang insidente,” pahayag pa ng PNP Chief.
Samantala, inatasan din ni Eleazar ang lahat ng police units at tanggapan sa rehiyon na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa militar upang maiwasan ang anumang pag-atake ng mga "lawless elements," lalo na ngayong panahon ng eleksiyon.
Comments