ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 3, 2022
Dumagsa ang ipinadalang reklamo sa aming tanggapan dahil sa napakatagal ng problema hinggil sa grabeng singil ng pamasahe sa mga tricycle sa ilang lugar sa Maynila na tila walang batas na sinusunod ang mga matatapang na tsuper.
Marami ang naglipanang tricycle o pedicab na hindi miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) ang kung saan-saan lamang nakaparada sa Maynila na nambibiktima ng mga dayuhang mamimili na daig pa ang patak ng metro ng taxi kung maningil.
Nalalagay din sa peligro ang buhay ng mga dayuhang pasahero dahil kapag hindi nagbayad sa pamasaheng idineklara ng driver ng tricycle o pedicab ay makararanas ng mura, pananakot at kapag minalas pa ay kukuyugin pa ng iba pang tricycle o pedicab driver.
Karaniwang tanawin ang pangyayaring ito sa maraming lugar sa Maynila, partikular sa Quiapo, Divisoria at mga kalye na malapit sa mga pamilihang nabanggit at sa hinaba-haba ng panahon na umiiral ang talamak na sistema ay wala kahit isa ang nasasakote.
May nagreklamo sa atin na mag-asawa na sumakay umano ng pedicab mula sa istasyon ng Light Rail Transit (LRT) sa Recto patungong Tutuban Mall sa Divisoria at nang tanungin nila ang driver kung magkano ang pamasahe ay tahasang sinabi na P150.
Tahasang sinabi ng driver ng pedicab na mas mahirap umano kasi ang pumadyak sa pedicab kumpara sa pagmamaneho ng motorsiklo at dumadaan umano sila sa mga loobang iskinita para hindi makaranas ng trapik ang mga pasahero.
Ang matindi pa sa karanasan ng mag-asawa, pagdating umano nila sa Divisoria ay agad silang nagbayad ng P150,00 ngunit tumanggi ang driver dahil dapat umano ay P300 dahil P150 ang bawat isa—nang magreklamo ang pasahero ay naglabas pa umano ng tubo ang driver na akmang manghahataw.
Upang makaiwas sa tiyak na kapahamakan ay walang nagawa ang mag-asawa kung hindi ang magbayad na lamang ng P300 kahit labag sa kanilang kalooban at ng magsumbong umano sila sa nakasalubong nilang pulis ay sinabi lamang nitong, “Mag-ingat kayo, marami rito n’yan”.
Ang pinakapopular na paliwanag ng mga tricycle at pedicab driver ay maliit lamang umano ang kanilang kinikita dahil malaki umano ang ibinibigay nilang lagay araw-araw at ang iba naman ay lingguhan ang bigay sa mga nakakasakop na kaanib ng Philippine National Police (PNP) bukod pa sa kinukolekta ng mga taga-city hall.
Panahon pa ng mga naunang administrasyon ay umiiral na ang naturang ‘lagayan’ na halos lahat umano ng opisyal maging halal man o hindi ay nakikinabang sa ipinaparating na ‘lagay’ para lamang makabiyahe nang hindi hinuhuli.
Dahil sa palaging sinasabi ng mga driver ng tricycle at pedicab ang ganitong pangyayari sa mga sumasakay na pasahero ay wasak na wasak ang imahe ng nakatalagang PNP at nakatalaga sa LGU na mga buwaya at hindi nabubusog sa pangongotong ang mga ito.
Pero bilang mambabatas ay hindi ako naniniwala sa pahayag ng mga abusadong tricycle at pedicab driver—lalo pa't babae ang mayor ng Maynila na si Honey Lacuna na imposibleng pumatol sa ganitong ilegal na gawain na ang biktima ay kapwa rin natin Pilipino.
Ang mga jeepney driver nga ay hirap na hirap humingi ng dagdag-pasahe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRB) pero ang mga tricycle at pedicab driver ay may sariling patakaran, pero hindi hinuhuli.
Sana naman ay kumilos ang lokal na pamahalaan at ang nakakasakop na PNP para mawala na ang mga abusadong ito dahil nadadamay ang ating mga ‘kagulong’ na sumusunod sa batas sa kanilang pamamasada dahil miyembro sila ng TODA at madaling malaman kung may nagrereklamong pasahero.
Pero kung hindi mawawala ang mga manlolokong tricycle at pedicab driver—lalo na ngayong magpa-Pasko at dagsa ang mga mamimili ay maliwanag pa sa sikat ng araw na totoo ang sinasabi ng mga dorobong tsuper.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios