PMS Usec. Lo, bagong Deputy Ombudsman for Mindanao
- BULGAR
- Mar 9, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | March 9, 2022

Hinirang ni Pangulong Rodrigo Duterte si Presidential Management Staff (PMS) Undersecretary Anderson Ang Lo bilang bagong Deputy Ombudsman for Mindanao, ayon sa Malacañang ngayong Miyerkules.
“Yes,” saad ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa text message nang tanungin sa appointment ni Lo.
Ang posisyon ng isang Deputy Ombudsman for Mindanao ay namumuno hinggil sa corruption cases laban sa mga opisyal ng lokal na gobyerno ng naturang rehiyon.
“We wish Deputy Ombudsman Lo success as we assure him of the Executive’s support in the Office of the Ombudsman’s drive towards good governance in the public sector,” sabi ni Presidential Communications Secretary at acting presidential spokesperson Martin Andanar sa isang statement.
Si Lo ay asawa ni Judge Jill Rose Jaugan-Lo, ang hukom na nag-administer sa oath ni Pangulong Duterte noong 2013 nang siya ay mayor pa ng Davao City.
Nanumpa naman si Lo bilang PMS undersecretary noong Agosto 2016.
Isa sa tatlong nominees si Lo, na napili sa listahan ng Judicial and Bar Council (JBC) para sa posisyon ng Deputy Ombudsman for Mindanao. Ang dalawang nakabilang ay sina Atty. Beda Epres at Atty. Maria Iluminada Lapid-Viva.
Noong Agosto 2021, nabanggit ni Ombudsman Samuel Martires na buo ang kanyang tiwala at labis ang kumpiyansa niya sa integridad at kakayahan ng tatlong ito.
Ani Martires, “the three have undergone vetting process by himself through exhaustive background checks.”
Comments