ni Anthony E. Servinio @Sports | May 10, 2023
Pinagbuti ng Philippine Merchant Marine School at De La Salle University-Dasmarinas ang kanilang posisyon matapos ang hiwalay na tagumpay sa 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) noong Lunes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila. Mahalaga ang mga resulta at naghahanda na ang dalawang paaralan para sa parating na quarterfinals.
Sumandal muli ang PMMS sa husay ni 26th NCRAA MVP Bryan Hilario na nagbagsak ng 24 puntos at Warren Sienes na may 20 puntos upang lalong itulak pababa ang Emilio Aguinaldo College-Cavite, 93-78. Umangat ang Mariners sa 8-3 at nakakatiyak na may twice-to-beat sa quarterfinals habang bumaba ang Vanguard sa 2-8 na kapantay ang Bestlink College of the Philippines at silang dalawa rin ang maghaharap sa huling laro na maaaring magtukoy ng ika-walo at huling papasok sa quarterfinals.
Nagpasikat ang beteranong gwardiya Louis Montes sa kanyang 20 puntos at apat pang kakampi na may 10 o higit na puntos para sa DLSU-D at pinabagsak ang kulelat na Lyceum of the Philippines University-Laguna, 91-71. Ang nalalabing laro ng Patriots (6-4) ay laban sa PATTS College of Aeronautics (8-2) at mahalaga ito para malaman ang makakalaro sa quarterfinals.
Sa Women’s Division, nakamit ng PUP Lady Radicals ang ikalawang pwesto sa bisa ng 79-68 panalo sa defending champion DLSU-D Lady Patriots sa pagsasara ng kanilang elimination round. Lamang ang DLSU-D matapos ang first quarter, 22-19, subalit nagising ang PUP at binuhos ang unang 11 puntos ng second quarter at mula roon ay hindi na nakabangon ang Lady Patriots.
Bumida sa Lady Radicals si sentro Andrea Cayco na may 22 puntos. Umangat ang PUP sa 4-1 at magkikita sila ulit ng 3-2 DLSU-D sa semifinals habang ang kabilang serye ay sa pagitan ng walang talong Centro Escolar University (5-0) at PMMS (2-3).
Comments