top of page
Search
BULGAR

Plebisito sa paghahati ng Maguindanao, nakatakda sa Set. 17 — Comelec

ni Lolet Abania | June 23, 2022



Isang plebisito para sa ratipikasyon sa dibisyon ng Maguindanao na maging dalawang probinsiya ay nakatakdang isagawa sa Setyembre 17, 2022, batay sa anunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) ngayong Huwebes.


Ayon kay acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, naitakda ng Comelec en banc ang petsa para sa plebisito sa Maguindanao sa kanilang regular session.


Matatandaang inaprubahan at nilagdaan na maging batas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 27, 2021 ang Republic Act 11550, kung saan mahahati ang southern province sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.


Sa ilalim ng Republic Act 11550 ay nakapaloob, “the law dividing the province of Maguindanao into Maguindanao del Norte and Maguindanao del Sur, the two provinces will be created upon approval by the majority of the votes cast by the voters of the affected areas in a plebiscite to be conducted and supervised by the Comelec within 90 days from the date of the effectivity of the law.”


Sa naturang batas, ang Maguindanao del Norte ay bubuuin ng mga munisipalidad ng Barira, Buldon, Datu Blah Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Kabuntalan, Matanog, Northern Kabuntalan, Parang, North Upi, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, at Talitay.


Ang seat ng gobyerno nito ay Datu Odin Sinsuat. Ang Maguindanao del Sur ay bubuuin naman ng Ampatuan, Buluan, Datu Abdulla Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Hoffer Ampatuan, Datu Montawal, Datu Paglas, Datu Piang, Datu Salibo, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Gen. Salipada K. Pendatun, Guindulungan, Mamasapano, Mangudadatu, Pagalungan, Paglat, Pandag, Rajah Buayan, Sharif Aguak, Sharif Saydona Mustafa, Sultan sa Barongis, Talayan, at South Upi. Ang seat ng gobyerno nito ay Buluan.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page