top of page
Search
BULGAR

Playoffs: Nanginig sa Grizzlies ang Jazz; Lakers, tinusta ng Suns

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 25, 2021




Pangalawang araw pa lang at malaking gulat ang dumating sa 2021 NBA Playoffs matapos talunin ng bisitang Memphis Grizzlies ang numero uno sa buong liga Utah Jazz, 112-109, sa pagbukas ng seryeng best of 7 kahapon sa Vivint Arena. Kumapit ng husto ang mga batang Grizzlies sa gitna ng matinding paghabol ng Jazz – ang koponan na tinalo nila sa unang pagkakataon matapos mabigo sa lahat ng kanilang tatlong tapatan noong regular season.


Hindi nagpakita ng pagod ang Memphis na dumaan sa State Farm Play-In Tournament para lang mapabilang sa playoffs at umabot sa 17 ang lamang sa huling 9 na minuto, 94-77, subalit bumanat ang Utah at lumapit, 109-110, matapos ang limang free throw ni Bojan Bogdanovic at siyam na segundo sa orasan. Nagpabaya ang depensa ng Jazz at nakatakas si Dillon Brooks para tuldukan ang laban ng kanyang ika-30 at ika-31 puntos at nakakuha siya ng malaking tulong kay Ja Morant na may 26 puntos at Jonas Valanciunas na may 15 puntos at 13 rebound.


Hinigpitan ang depensa ng numero uno sa Eastern Conference Philadelphia 76ers at naitala nila ang pinaghirapang 125-118 tagumpay sa bisitang Washington Wizards. Sinabayan ng 76ers ang mabilis na laro ng Wizards subalit nagawa nilang bagalan ang tiyempo upang maiwasang mapahiya sa harap ng kanilang mga tagahanga.


Ipinasok ni Trae Young ang malapitang buslo na may 0.9 segundong nalalabi upang makalusot ang bisitang Atlanta Hawks kontra sa New York Knicks, 107-105, at makauna sa kanilang serye.


Samantala, hindi naging maganda ang simula ng defending champion Los Angeles Lakers at nasunog sila sa Phoenix Suns, 99-90. Lumamang ang Suns matapos ang first quarter, 32-25, at mula doon ay hindi nila binitawan ito at pinalaki pa sa 16 sa simula ng fourth quarter, 86-70, sa tres ni Devin Booker.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page