ni Anthony E. Servinio @Sports | May 3, 2024
Itinakda ng New York Knicks at Indiana Pacers ang kanilang tapatan sa Eastern Conference Semifinals matapos ang magkaibang panalo sa pagpapatuloy ng 2024 NBA Playoffs. Tumakas ang Knicks sa hamon ng Philadelphia 76ers, 118-115, habang tinambakan ng Pacers ang Milwaukee Bucks, 120-98, at parehong nagwakas ang kanilang mga seryeng best-of-seven, 4-2.
Walang-kabang ipinasok ni Jalen Brunson ang dalawang free throw na may walong segundong nalalabi upang itakda sa tatlo ang lamang ng New York, 118-115. Ibinato agad ni Buddy Hield ang bola mula 27 talampakan pero hindi ito pumasok at tumahimik ang Wells Fargo Center.
Nanguna si Brunson na may 41 puntos sa 43 minuto sa gitna ng paggamit lang ni Coach Tom Thibodeaux ng pitong manlalaro lang. Sumunod si Donte DiVincenzo na may 23 at naglaro ng walang pahinga na 48 minuto.
Nasayang ang 39 puntos at 13 rebound ni MVP Joel Embiid. Sumuporta sina Tyrese Maxey at Kelly Oubre na parehong may 17. Uminit agad si Tyrese Haliburton para sa 10 sa first quarter para sa 33-24 bentahe ng Pacers. Tuluyang pinaguho ng Indiana ang Milwaukee at tinapos ang trabaho ng mga reserbang sina Obi Toppin na may 21 at TJ McConnell na may 20.
Bumalik-aksiyon galing pilay si Damian Lillard at gumawa ng 28 subalit hindi ito sumapat para sa Bucks na kinailangan ang panalo upang ipilit ang winner-take-all Game 7 sa Fiserv Forum. Naging mas matimbang ang patuloy na pagliban ni Giannis Antetokounmpo kahit nagtala ng tig-20 ang kapalitan niyang sina Bobby Portis at Brook Lopez.
Maaaring malaman ang huling mga bubuo ng Conference Semis ngayong Sabado. Lamang sa East ang bisitang Cleveland Cavaliers sa Orlando Magic, 4-2, at hawak ng Dallas Mavericks ang parehong 4-2 bentahe sa bisitang LA Clippers sa West.
Comentarios