ni Imee Marcos - @Buking | July 15, 2020
Isa sa pinakamagandang asal ng mga Pinoy, eh, ‘yung hindi sumusuko, hindi nawawalan ng pag-asa. At kitang-kita natin ‘yan sa paglaban natin sa COVID-19.
Effort to the max sa paghahanap ng gamot sa virus ang buong mundo. At dahil wala pa ngang nadidiskubre, ang ganap na lang ay paigtingin na muna ‘yung remedyo na ginagamit ngayon sa mga ospital para makarekober ang mga pasyenteng tinamaan ng nakamamatay na sakit.
At dahil d’yan mga besh, suhestiyon natin ay agapan at samantalahin ang nakagagaling na plasma, ito ‘yung colorless fluid na makikitang sangkap sa dugo na matatagpuan sa mga gumaling sa COVID-19.
May chika na meron talagang nananamantala rito. As in may bentahan daw na nangyayari ng plasma sa Central Visayas. Nakakalokah! Palibhasa, base sa mga medical research, talagang nakatutulong ang plasma para mapababa ang tsansa na mamatay ang pasyente na tinamaan ng COVID-19 at mismong World Health Organization (WHO), nagbigay permiso sa paggamit nito.
Pero kung ganyan ang nangyayari, marapat lang na agapan at bumuo ng plasma banks sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa bansa habang naghihintay ng epektibong bakuna. Ito ay para maiwasan na rin ang bentahan at pagbili ng plasma.
Kailangan rin ayusin ng Department of Health (DOH) ang sistema ng pagbuo ng mga alituntunin kung sino ang maaaring maging donor at mga pamamaraan sa maayos na pagkuha ng plasma upang maiwasan ang mga naipapasang sakit.
At para mas matibay ang ating suhestiyon, push natin ang Senate bill 1648, o ang Plasma Donation and Collection Act, para pasimulan ang pagkuha ng plasma sa mga donor at magkaroon ng pasilidad para rito ang mga ospital sa buong bansa.
Kailangan ang long term solution sa ganitong uri ng problema, lalo pa’t hindi natin tiyak kung hanggang kalian tatagal ang pandemyang ito. Kaya please lang, aksiyon na!
Comments