top of page
Search
BULGAR

Kahulugan ng nagtitinda sa palengke

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 11, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Loida na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na nasa palengke ako at nagtitinda ng kung anu-ano, ‘yun bang mga plastic items na mura lang na gamit sa bahay. Masaya ako at tulad ng mga nagtitinda, kumita ako ng malaki. Pero may nanghuhuli sa amin, hindi naman siya pulis, pero nahuli na niya ‘yung iba sa amin, tapos hiningan niya ng pera kaya pinakawalan din. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Loida

Sa iyo Loida,


Panahon na para ikaw ay magnegosyo o magkaroon ng pagkakakitaan. Ibig sabihin, hindi na puwedeng palagi ka lang nasa bahay. Kung ikaw naman ay namamasukan, ang panagiinip mo ay nagsasabing maliit lang din ang iyong kinikita.


Kaya muli, panahon na para ikonsidera mong magkaroon ka ng sarili mong pagkakakitaan na nasa klase ng isang negosyo at ikaw mismo ang mag-aasikaso.


Huwag ka nang magdalawang-isip pa dahil ang payo mismo ng iyong panaginip ay muli, magnegosyo kahit maliit lang.


Sa ngayon, marami ang namamasukan, lalo na sa hanay ng kababaihan bilang saleslady, pero ang kita ay masasabing sapat lang sa kanila kung saan ang iba pa nga ay umaangal dahil ang suweldo ay kulang para sa gastusin nila.


Gayunman, may ilang may trabaho pero dahil sa pandemya, hindi naman sila sumasahod nang buo o kumpleto, kaya maganda lang ang porma nila pero sa maniwala ka o hindi, hihinto na sila sa pamamasukan at maghahanap ng ibang pagkakakitaan.


Kaya kung susundin mo ang payo ng iyong panaginip, mapapabuti ang buhay mo.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page