by Info @Editorial | August 19, 2024
![Editorial](https://static.wixstatic.com/media/b16d6f_94d852998aa547cdbda31cbe9af4a7ad~mv2.png/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_85,enc_auto/b16d6f_94d852998aa547cdbda31cbe9af4a7ad~mv2.png)
Hindi maitatanggi na ang mga security guard ay nasa pinakamalapit na posisyon upang mag-obserba ng pang-araw-araw na aktibidad sa kanilang mga nasasakupan.
Ang kanilang presensya sa mga establisimyento at iba’t ibang institusyon ay nagbibigay ng natural na vantage point para makapangalap ng impormasyon na maaaring magamit sa mga operasyon ng Philippine National Police (PNP).
Kaya naman, pinaplano ng PNP na gamitin ang mga security guard bilang intelligence operatives bilang pagpapabuti sa kaligtasan ng publiko.
Paliwanag ng isang opisyal ng PNP, maaari umano maging katuwang ng kapulisan ang mga security guard sa intelligence gathering at magsilbi rin bilang mga force multipliers.
Kaugnay nito, magsasagawa rin ang ahensya ng Basic Information Collection and Analysis Seminar (BICAS) para sa mga pribadong security agencies kung saan nakatakdang dumalo rito ang 575,000 security guard sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Gayunman, may mga potensyal na isyu na kaakibat ng hakbang na ito. Una, ang mga security guard ay hindi mga propesyonal na operatiba ng intelligence.
Ang kanilang limitadong pagsasanay ay maaaring magresulta sa maling impormasyon o hindi tamang interpretasyon ng mga sitwasyon, na maaaring humantong sa mga maling operasyon o pag-aresto.
Bukod dito, may isyu ng seguridad at proteksyon ng mga security guard mismo. Kung sila ay magiging bahagi ng operasyon ng PNP, sila ay maaaring maging target ng mga kriminal.
Kaya panawagan sa PNP, pag-aralan muna nang husto kung paano sila mapapanatiling ligtas habang sila ay nagiging bahagi ng mas malawak na seguridad ng komunidad.
Ang tagumpay ng hakbang na ito ay nakasalalay sa balanseng pagpapatupad at pangangasiwa.
Comentarios