ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 24, 2022
KATANUNGAN
Noon pa ako nag-a-apply sa abroad, ang problema, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako natutuloy. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung sa susunod na taon ba ay susuwertehin na akong makapangibang-bansa?
Dati na akong seaman, pero sa local shipping line ako napapasok, kaya medyo maliit ang suweldo. Pero minsan naman ay naiisip kong delikado rin sa ibang bansa dahil hindi mo kalahi ang mga makakatrabaho mo. Gusto ko ring malaman kung maganda ba ang Life Line ko at kung sakaling ako ay matuloy, hindi ba ako mapapahamak sa barko at mahaba pa ba ang buhay ko?
KASAGUTAN
Kapansin-pansing bukod sa malinaw, ikaw din ay nagtataglay ng mahaba, walang bilog at good looking Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang magandang “guhit ng buhay” na ito ay tanda na hindi lang magiging mahaba ang buhay mo, sa halip, ikaw ay magkakaroon din ng masagana at maalwang pakikipagsapalaran sa malayong lugar. Ito ay pinatunayan at kinumpirma ng malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ang ikinaganda pa nito, bukod sa maayos na Life Line (L-L arrow a.) at malawak na Travel Line (t-t arrow b.), ikaw din ay pinagkalooban ng napakalinaw at maaliwalas na pirma, na medyo lumabo at nababoy sa una, pero gumanda at naayos sa gitna hanggang sa dulong bahagi.
Ibig sabihin, bagama’t sa unang yugto ng iyong buhay at pakikipagsapalaran ay may manaka-nakang pagsubok, sandali lamang ang mga suliraning ito at sa sandaling nalagpasan mo, tuloy-tuloy na ang pag-unlad at malaking pag-asenso, lalo na sa inaasinta mong pagtatrabaho bilang seaman sa ibayong-dagat.
MGA DAPAT GAWIN
Sabi nga, kapag ang mga dasal at pangarap natin ay hindi pa gaanong natutupad ngayon, hindi naman ibig sabihin nitong “Hindi” na agad ang sagot ni Lord. Sa halip, ang eksaktong sagot Niya sa ating mga dalangin na hindi pa natutupad ay “Sandali lang”. Ito ay nangangahulugang nade-delay o hindi pa lubusang nangyayari ang ating mga pangarap dahil may inihahanda pang mas magandang kapalaran para sa atin si Lord.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Sonny, ituloy mo lang ang pag-a-apply mo sa abroad dahil sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Abril o Mayo at sa edad mong 29 pataas, may mabunga at mabiyayang pagbabarko na itatala sa iyong karanasan. Ito na rin ang magiging simula upang ang buhay at kapalaran mo sa larangan ng career at propesyon ay tuloy-tuloy nang umaliwalas, umunlad at sumagana habambuhay.
Comments