ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 3, 2022
Isa sa malalaking dahilan ng aksidente ng motorsiklo sa bansa ay dahil sa kakulangan ng tamang pangangalaga sa kanilang sasakyan kabilang na ang pagkakabit ng mahinang klase ng piyesa at iba pang aksesorya na sa gitna ng pagmamaneho ay biglang nasisira kahit kabibili pa lamang.
Ito ay dahil nagkalat ang mahihinang klase ng piyesa sa merkado na ipinamamalit sa mga parte ng motorsiklo na nasisira at ipinagbibili sa murang halaga, ngunit hindi dumaan sa tamang pagsusuri.
Karaniwan ay imported at sinasabi lamang ng mga nagtitinda na mahusay at galing sa Japan dahil sa imahe nilang matibay ang kanilang produkto, ngunit ang katotohanan ay galing ito sa bansang puro low quality ang mga produkto at hindi nagtatagal.
Sa puntong ito ay talung-talo ang ating mga ‘kagulong’ na bumibili ng piyesa dahil ilan lang naman ang may kakayahan o marunong tumingin ng piyesa at karamihan ay umaasa na lamang sa paliwanag ng nagtitinda at walang pinanghahawakan kung maayos o tatagal talaga ang mga biniling piyesa.
Bilang unang representante ng 1-Rider Party-list ay naghain tayo ng panukalang batas na naglalayong matiyak na ang lahat ng motorcycle parts at accessories na ibinebenta sa merkado ay sumusunod sa ipinatutupad na regulasyon sa modipikasyon ng motorsiklo ng Land Transportation Office (LTO).
Ito ang House Bill 6445 o “The Aftermarket Motorcycle Parts and Accessories Retail Protection Act” noong 29 Nobyembre 2022 na magbibigay-proteksyon sa kapakanan ng ating mga ‘kagulong’ na karamihan ay labis na pinaghihirapan ang kanilang pambili.
Ang “aftermarket motorcycle parts and accessories” ay tumutukoy sa mga item na makatutulong upang gawing mas ligtas at higit na mahusay ang takbo ng motorsiklo at mas mabigyan ng ginhawa ang nagmamaneho sa mahabang panahon.
Ang binabanggit nating item ay tulad ng windscreen, gulong, preno, side mirror, head light, turn signal, muffler, air filter at motorcycle stand, na karaniwang binibili at ikinakabit sa mga motorsiklo.
Hangad ng panukala natin na mapangalagaan ang kapakanan ng iba’t ibang klase ng riders sa bansa, lalo na ‘yung delivery riders na bumibili ng motorcycle parts and accessories na dapat awtomatikong nakatatanggap ng warranty sa mga piyesang kanilang binibili.
Kailangang maliwanag na nakasaad ang warranty sa resibo o may bukod na dokumento upang may pinanghahawakan ang ating mga ‘kagulong’ o kaya’y may karapatan ang bumili na bawiin o ibalik ang kanilang pera kapag mapatunayang ang nabiling piyesa ay hindi pasado sa pamantayan ng LTO.
Umiiral na kasi ang naturang pamantayan ng LTO tungkol sa aftermarket motorcycle parts at accessories, subalit naglipana pa rin ang mga produktong hindi naman pasado at walang kamuwang-muwang ang marami nating ‘kagulong’.
Maraming riders ang nahuhuli dahil nagkabit ng piyesa o accessory na hindi pasado sa LTO regulation, ‘yung iba kinukumpiska o kaya’y nakikita sa inspeksyon kung nagpaparehistro ng motorsiklo—kawawa ang ating mga ‘kagulong’ dahil pinag-ipunan nila ang inaakala nilang legal.
Sa Section 5 ng ating panukala ay nakasaad na dapat mag-isyu ang retailer ng ‘express warranty’ na tukoy ang petsa, sino ang nag-install, pasado sa LTO at dapat bigyan ng kopya ang bumili.
Sa Section 6 naman ay nakasaad na kapag natiyak na ang aftermarket parts at accesories ay hindi sumunod sa LTO regulation at mali ang pagkaka-install ay maaaring bawiin ng bumili ng buung-buo ang kanyang ipinambayad.
At higit sa lahat, nakapaloob din sa ilalim ng House Bill 6445, na ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pakikipag-ugnayan sa LTO, ang magiging pangunahing ahensya ng pamahalaan na magmo-monitor sa pagpapatupad ng batas na ito.
Kapit lang mga ‘kagulong’ dahil kapag isa nang ganap na batas ang panukalang ito ay malaking tulong ito para sa kapakanan ng ating mga kababayang kaakibat na ng kanilang buhay ang motorsiklo.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments