ni Lolet Abania | December 16, 2021
Natukoy na ng Department of Health (DOH) ang walong naging close contacts ng unang naitalang dalawang kaso ng Omicron variant sa bansa, kung saan pito sa kanila ay nagnegatibo sa test sa COVID-19.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang isa ay naging close contact ng 48-anyos na returning overseas Filipino (ROF) na mula sa Japan habang ang pito ay naging close contacts naman ng 37-anyos na Nigerian national na galing sa Nigeria.
Ang nakasalamuha ng ROF ay negatibo ang resulta ng test noong Disyembre 4.
“So you might be wondering why there is only one close contact for our 48-year-old male from Japan. It’s because he was seated in a business class and it was just one passenger with him in this business class section,” paliwanag ni Vergeire sa media briefing ngayong Huwebes.
Anim sa pitong nakasalamuha naman ng Nigerian national ay nagnegatibo sa test at nakumpleto na nila ang kanilang mandatory quarantine. Habang ang test results ng natitirang naging close contact nito ay bineberipika pa.
“So again, the reason why there are just seven close contacts because the foreign national sat at the very end of the place. So we only counted those in front of him and on his side,” sabi ni Vergeire.
Sinabi rin ni Vergeire na ang pagtukoy ng mga naging close contacts ay pagbilang ng apat upuan sa bawat direksyon mula sa positive case.
“Ngayon para naman sa close contact, ang ating epidemiologic identification of close contacts when you are in a plane is to count four seats in front of you, four seats on your left, four seats on your right, and four seats sa likod mo,” ani Vergeire.
Samantala, ang mga samples ng dalawang Omicron cases ay kokolektahin ngayong araw para ulitin ang kanilang RT-PCR test.
Comments