top of page
Search
BULGAR

Pistons at Delta, namitpit sa NBL; Animam, nileksiyunan ng Serbia

ni Anthony E. Servinio / VA - @Sports | October 11, 2021




Nagdiwang ang Laguna Pistons matapos maitala ang unang panalo sa Chooks To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 sa Mindoro Tamaraws Nex Gen, 106-87, Sabado ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga. Sa isa pang laro, tatlong sunod-sunod na ang panalo ng Pampanga Delta matapos tunawin ang bisitang Muntinlupa Water Warriors, 107-75.


Kinuha ng Pistons ang first quarter, 22-14, subalit bumuhos ng 11 diretsong puntos ang Tamaraws upang maagaw saglit ang lamang, 25-24. Iyan na ang huling ingay ng Mindoro at sinagot ito ng Laguna, 30-13, upang tuluyang lumayo sa halftime, 54-38.


Nanguna sa Pistons si kapitan Shinichi Manacsa na nagsabog ng 24 puntos at sinundan nina King Fadriquela na may 17 at Kim Galamiton na may 16 upang umakyat sa 1-4 panalo-talo. Nabitin ng isang puntos si Jeff Disquitado para sa triple double sa 9 na puntos, 16 rebound at 12 at pinaupo na siya sa huling 4:44 at komportable ang lamang, 97-76.


Nahanap muli ng Delta ang talas ng kanilang opensa matapos maitakas ang 69-55 tagumpay sa Paranaque Aces noong nakaraang Linggo. Minsan lang nakatikim ng lamang ang Muntinlupa, 3-0, at mula doon ay bumanat ng todo ang Pampanga sa pangunguna ni Levi Hernandez na nagtala agad ng 10 puntos sa first quarter pa lang para sa 29-22 na kalamangan.


Samantala, nakatikim ng 66-104 na kabiguan sa kamay ng 4-time reigning Women’s Basketball League of Serbia champion ZKK Crvena zvezda si Jack Animam at ang kanyang koponang ZKK Radnicki Kragujevac, sa Jazero Hall sa Kragujevac, Serbia kahapon ng umaga (Oktubre 10-Manila time).


Ngunit sa gitna ng malaking pagkatalo,hindi maikakailang impresibo ang ipinakitang laro ng Filipina star center sa kanyang ikalawang laban bilang professional makaraang magposte ng panibagong double-double - 29 puntos at 12 rebounds bukod pa sa 6 assists at tig-isang steal at block.Tatangkain ni Animam at mga teammates nito sa Radnicki na makabawi sa pagsagupa nila sa koponan ng Kraljevo sa Sabado-Oktubre 16.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page