top of page
Search
BULGAR

Pista ng Nazareno at ang pananampalataya ng mga Pinoy

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Jan. 12, 2025



Be Nice Tayo ni Nancy Binay

Ayon kay Quiapo Church spokesman Fr. Robert Arellano, umabot sa walong milyong deboto ang nakiisa sa pista ng Itim na Nazareno.


Dagdag pa niya, aabot naman sa apat na milyon ang sumama sa naganap na prusisyon noong Huwebes.


Nagsimula ang Traslacion alas-4:40 ng madaling araw ng Enero 9 at natapos ito ng ala-1:26 ng madaling-araw kinabukasan.


Bagama’t maraming naging hamon sa prusisyon gaya ng pagdagsa ng mga deboto at ang pagpatid ng lubid na ginagamit para itulak ang imahen, ligtas na nakabalik ang Poong Nazareno sa Quiapo.


☻☻☻


Sa unang tingin, aakalain mong walang kaayusan ang prusisyon ng Nazareno.

Ngunit kapag iyong tiningnan ito nang maigi, mapapansin mo na sa dinami-dami ng taong nagbabalyahan, bibihira ang malubhang nasasaktan.


Lalong kapansin-pansin na kapag may nahimatay, maayos siyang nadadala sa tabi ng kalsada malapit sa mga mediko.


Ayon sa Manila Police District, pawang mga “minor incident” lang ang kanilang naitala at walang seryosong nasaktan sa mga nakiisa sa prusisyon ngayong taon.


Ayon naman sa Philippine Red Cross (PRC), natulungan nila ang 412 katao “for minor injuries” at 30 indibidwal naman ang tinulungan nilang maipadala sa ospital.


☻☻☻


Paalala naman ng simbahan na huwag kalimutan ang diwa ng debosyon sa Poong Nazareno.


Patuloy sana itong magsilbing paalala sa pagkakatawang tao ng bugtong na anak ng Diyos upang personal na maranasan at maunawaan ang buhay sa daigdig.


Bukod dito, patuloy sana nating alalahanin kung bakit nakayapak ang lahat ng mga deboto sa prusisyon.


Simbolo kasi ito na lahat ay pantay-pantay sa pananampalataya sa Panginoon.


☻☻☻


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!

FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page