ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 31, 2024
Nagawa n’yo na kaya, giliw na mambabasa, na maglakad nang pabaligtad o paatras?
Dahil sa social media ay nalalaman natin na parami nang parami sa mundo ang ginagawa na ito. Bagama’t tila uso lamang sa mga mahilig mag-ehersisyo, at kahit matagal nang pamilyar sa mga mahilig sa Tsinong tradisyon gaya ng Qigong at Tai Chi, mukhang hindi basta-basta malalaos ang backward walking o retro-walking dahil sa mga kabutihang maidudulot nito sa tao. Kumbaga, baligtad man sa nakagawian, makapagpapausad naman ng ating kalusugan at pangangatawan.
Ayon sa mga pagsusuri, nakatutulong ang paglalakad nang paatras sa maraming paraan. Kabilang dito ang pagpapabuti ng balanse at katatagan ng ating paggalaw-galaw, pati ng ating mga kasu-kasuan. Mapagaganda rin ng baligtad na paglalakad ang pagtibok ng ating puso at pagdaloy ng dugo sa ating mga ugat at makapagpapatibay din ng ating kalamnan. At dahil mas mangangailangan ng ating atensyon at konsentrasyon, magagawa ng ganitong tantiyadong paglalakad ang lalong pagpapabuhay ng iba’t ibang bahagi ng ating utak.
Napapanahon ang kaalamang ito lalo pa’t kabilang tayo sa naiulat ng World Health Organization nitong Hunyo na nasa may 1.8 bilyong mga nasa hustong gulang sa sangkatauhan na kulang sa pisikal na aktibidad. Ang nakababahalang katotohanan ng kakulangang iyan ay ang lalong pagpapalaki ng posibilidad ng mabibigat na mga uri ng karamdaman, gaya ng atake sa puso, atake na serebral o stroke, diabetis, demensya at kanser.
Tuloy, dapat lalo tayong ganahang gumalaw-galaw para ang ating katauhan ay hindi agad manghina. Gaano karaming oras ang kailangan para rito? Mainam na kumonsulta at humingi ng payo sa ating doktor, ngunit kahit ilang minuto lang sa araw-araw bilang panimula ay malaki na ang maitutulong sa ating pagpapabuti at pagpapa-beauty.
Ingat lang at piliin ang lugar ng paglalakad, para makaiwas sa aksidente at sa pag-apak sa hindi kanais-nais matapakan. Ang ating sariling tahanan, na kabisado natin ang mga espasyo at nilalaman, ay magandang pag-umpisahan.
‘Di maglalaon, magkakaroon dito sa atin ng mga retro-walkathon, kung saan masigla at masayang maglalakad nang paatras ang iba’t ibang kalahok, bata man o may katandaan.
Sa isang banda, idagdag na rin natin na marami ang sitwasyon sa ating bawat araw kung saan mas maganda ring “bumaligtad”.
Halimbawa ay ang pag-urong kaysa sumulong kung mainit ang ulo at nagnanais makasigaw, makasakit o makasira ng gamit. Mabuti nang mauwi sa kalmang usapan kaysa sa makawasak ng samahan o kasangkapan.
Maganda ring baligtarin, pataubin, ang simangot at lungkot, at imbes ay harapin ang suliranin nang may ngiti at pananalig sa Dios. Labanan at bungguin ang sariling takot, alinlangan at hinagpis imbes na magpaalipin dito.
Kung nakakaramdam din ng manaka-nakang katamaran, iwaksi ang pagnanais na ipagpaliban ang gawain at itulak ang sarili na kumilos at makausad sa responsibilidad.
Kapag natutukso na magpasasa o magpakalabis sa mga bagay na hindi angkop sa ating katawan, pigilan ang awtomatikong kahinaan at pagpatalo sa bisyo, at sa halip ay subukan at magtiwalang mananaig ang lakas ng loob.
Pagdating muli sa paglalakad, samantalahin ang mga pagkakataong magawa ito imbes na tamarin at sumakay na lang sa anumang sasakyan, elebeytor o eskaleytor. Kung may nais makasalamuha o makapanayam, gawin at ugaliing magpulong habang naglalakad imbes na nakaupo lamang.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments