top of page
Search

Pioneer Pro-Tibay, grand champ ng PBA 3X3 2nd Cup

ni GA - @Sports | April 29, 2022



Kinumpleto ng Pioneer Pro-Tibay ang mala-fairy tale na kwento ng tagumpay sa Grand Finals ng PBA 3X3 "Lakas ng Tatlo" nang tuluyang idikit sa pader ang Sista Super Sealers upang makuha ang 12-10 na panalo sa second conference nitong Miyerkules nang gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.


Bago makamtan ang makasaysayang tagumpay matapos maging kauna-unahang guest team na nagwagi sa finale ng 6-leg tournament, dumaan muna ito sa matinding pagsubok nang sibakin sa quarterfinal round ang defending 1st conference champion at 31st Southeast Asian Games-bound na Limitless App Masters sa iskor na 16-14 sa pangunguna ni Gian Abrigo sa 7pts, habang sinunod nila sa semis ang Brgy. Ginebra sa panibagong 16-14, muli sa pagbibida ni Abrigo sa 6pts.


Pagtuntong ng final round ay nagtulong sina Abrigo at Christian Rivera sa pagkana ng parehong 4 puntos, habang nag-ambag ng tig-2 puntos sina Robin Rono at Carlo Escalambre para pigilan ang paninilat ng Sista nang lampasan ang multi-leg winners na Meralco Bolts 3X3 sa 16-15 sa quarterfinals at TNT Tropang Giga sa 13-12 sa pamumuno ng scoring ni Jan Jamon sa 8 at 5 pts, ayon sa pagkakasunod.


“Sabi ko sa kanila laban lang, tingnan natin kung saan tayo abutin ng effort natin. Pero ginusto talaga nila,” wika ni Lester del Rosario patungkol sa kanilang mga manlalaro, na matagumpay na nag-uwi ng P750,000.


Inialay ni Del Rosario na ialay ang nakuhang panalo sa namayapang ama na si legendary basketball Coach Aric del Rosario, na mas nakilala sa 4-peat na kampeonato sa UST Tigers noong dekada ’90.


“Para sa kanya ito. Mas masaya pa sana kung andito pa siya,” saad ng naluluhang chief tactician.





0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page