top of page
Search
BULGAR

Pinoy seafarers mula sa MV Tutor, safe na nakauwi ng ‘Pinas

ni Ryan Sison @Boses | June 18, 2024


Boses by Ryan Sison


Salamat at ligtas na nakabalik sa Pilipinas ang 21 Pinoy seafarer na na-rescue mula sa MV Tutor kasunod ng pag-atake ng Houthi noong nakaraang linggo sa Red Sea.


Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga seafarer ay napauwi sa pamamagitan ng flight GF154, at dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, kahapon.


Malugod silang tinanggap ng OWWA Airport Team sa pangunguna ni Deputy Administrator Mary Melanie Quiño, Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, Department of Health Secretary Ted Herbosa, Congressman Phillip Jude Acidre ng Tingog partylist, at Labor Attaché Hector Cruz.


Bukod sa financial assistance, nag-alok din ang OWWA sa mga seafarer ng pagkain, transportation assistance, at hotel accommodation.


Sinabi ng DMW na dumating ang 21 sa 22 Pinoy seafarer ng MV Tutor sa Port of Manama, Bahrain noong Sabado ng hapon. Pagkatapos, sumakay sila ng flight pabalik ng ‘Pinas noong Linggo naman ng gabi.


Nitong Sabado, sinabi ni Cacdac na isang Filipino crew ng MV Tutor ang nananatili sa loob ng inabandonang Liberia-flagged coal carrier na ang mga tripulante ay pawang mga Pilipino.


Aniya, hinahanap pa rin nila at hindi sila titigil sa pag-locate ng nawawalang Pinoy seafarer na nasa loob lamang umano ng barko.


Mabuti at safe and sound na ang ating mga kababayang Pinoy seafarer na nasagip mula sa nangyaring Houthi attack. 


Makakasama na nila ang kani-kanilang pamilya na labis din ang pag-aalala sa naging kalagayan nila ng mga panahong iyon.


Hiling natin sa gobyerno na bukod sana sa pagbibigay sa kanila at sa pamilya ng mga ito ng pinansyal na suporta, dapat na masuri rin ang kanilang kalusugan. Kailangang matingnan sila ng mga doktor, hindi lang physical checkup kundi lahat-lahat na dahil maaaring nagkaroon din sila ng trauma sanhi ng insidente. Hindi kasi madali ang maka-recover matapos na masuong sa ganitong mga pangyayari.


Gayundin, sana ay patuloy ang kinauukulan sa pagtuon sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs).

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page