ni Gerard Peter - @Sports | January 13, 2021
Mayroong tsansang magkaharap sa hinaharap ang kapwa Filipinong boksingerong sina World Boxing Council (WBC) interim bantamweight champion Reymart “Assassin” Gaballo at five-division World titlist at Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Ito ay sakaling maglabas umano ng bagong desisyon ang pamunuan ng WBC para tuluyang pagharapin sa naunsyami nilang pagtatapat ang parehong coronavirus victims na sina WBC bantamweight ‘Champion in recess’ Nordine Oubaali ng France at No.1 contender na si Donaire. Kung mananaig ang 38-anyos mula Talibon, Bohol laban sa dating 2007 World Championship bronze medalist, may pag-asang kaharapin ito ng undefeated Sanman stable fighter.
Inamin ni MP Promotions President na si Sean Gibbons na maaari umano itong maganap kung bibigyan muli ng pagkakataon ng WBC si Donaire na makalapit sa korona, at sa pagkakataong ito ay makukuha na ni Gaballo (24-0, 20KOs) ang buong title shot sa kampeonato. “You never know, maybe an all-Filipino throwdown [against Donaire] or Reymart versus the Moroccan brother for the full title,” saad ni Gibbons sa panayam rito ng ringTV.com.
Inaasahan ni Gibbons na muling makakabalik ng Estados Unidos si Gaballo, kung saan, tinitignan munang pagpipilian sa kanyang susunod na laban ang idepensa ang kanyang interim title. “For me, if they say you’re gonna fight this one, I’m gonna fight them,” wika ni Gaballo.
Lumalaki ang tsansa na matupad ang pagkakaroon ng All-Filipino title fight kasunod ng report na inilabas ng boxingscene.com na parehong interesado ang bawat kampo nina Oubaali (17-0, 12KOs) at Donaire (20-6, 26KOs) na ipagpatuloy ang naunsyaming laban, kung saan nasa proseso na umano ng pag-iskedyul ng tapatan.
Kasunod ito ng hakbang ni WBC president Mauricio Sulaiman sa inilabas na liham na ipinaparating nito sa iba’t ibang partido na ibinabalik na nila sa dating estado sa pinanghahawakang titulo si Oubaali. Inihayag nitong tinatanggal na ang pagtatalaga rito bilang “Champion In-Recess’ at binibigyan ito ng pagkakataon na magkaroon ng ‘voluntary defense’ para sa titulo sa Pebrero, na magdedepende kung handa na itong lumabang muli at papasa sa medical clearance.
Comments