by Info @Editorial | Nov. 28, 2024
Tinalupan at kinastigo sa Kongreso ang Department of Agriculture (DA) dahil umano sa kawalan ng aksyon ng ahensya para mapababa ang presyo ng bigas. Ito ay sa kabila ng umiiral na mababang taripa sa bigas at pagbaba ng presyo nito sa world market.
Bakit nga ba hindi pa rin bumababa ang presyo ng bigas kahit na ayon sa monitoring ay mababa na ito sa world market? Bukod pa rito ang mas mababang taripa sa bigas na 15 percent mula sa 35%.
Ang isa pang tanong, ano ang ginagawa ng gobyerno para matupad ang ipinangakong murang bigas? Ang masaklap pa rito, ayon mismo sa DA, maging sila ay nagtataka kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.
Ang posibleng sagot, hindi konsyumer o taumbayan ang nakikinabang sa pinababang taripa sa bigas, kundi ang mga importer. Higit pa sa isyu ng murang bigas, kailangan matutukan ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng mga hakbang tulad ng modernisasyon na mga pamamaraan sa pagsasaka, tamang suporta sa mga magsasaka, at ang pagpapabuti ng imprastraktura sa kanayunan.
Sa ganitong paraan, hindi lamang ang presyo ng bigas ang magiging abot-kaya, kundi pati na rin ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka. Ang sektor ng agrikultura ay may malaking papel sa ating ekonomiya, at ito ay isang sektor na hindi maaaring pabayaan.
Ang pamahalaan ay may responsibilidad na magbigay ng mga hakbang upang mapalakas ang produksyon ng bigas at matulungan ang mga magsasaka upang hindi na sila maging biktima ng pabago-bagong presyo at importasyon.
Kung hindi tututukan ang mga ugat ng problema, patuloy na magiging mabigat ang isyu sa bigas.
Comments