ni Ryan Sison @Boses | Jan. 8, 2025
Nakatutuwang mabatid na marami sa mga Pilipino ang nabigyan ng pardon mula sa gobyerno ng ibang bansa.
Isa rito ang napaulat na pagkakaloob ng pardon ng United Arab Emirates (UAE) government sa nasa 220 Pinoy na nakakulong sa iba’t ibang bilangguan sa kanilang bansa.
Ginawa ang pardon kasabay ng paggunita sa ika-53rd National Day ng UAE. Tradisyon na ng gobyerno ng nasabing bansa na magbigay ng pardon kasunod ng kanilang pagdiriwang ng national day.
Ayon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang pardon o pagpapatawad sa mga Pilipino ay isang testamento ng matatag na ugnayan ng Manila at Abu Dhabi.
Una na ring inanunsyo ng gobyerno ng UAE ang pagbibigay ng pardon sa mga nakakulong na mga Pinoy noong December 26, 2024, at dahil ito sa natatanging pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Labis-labis naman ang pasasalamat ng Pangulo sa Kanyang Kamahalan Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan at kay Prime Minister Sheikh Mohammed bin Rashid Al Maktoum, na aniya ay isang karangalan na makilala ang mga ito, gayundin sa kanilang compassionate gesture.
Sa ngayon ay pinoproseso na ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang documentary at administrative requirements para sa mabilis na pagbabalik sa Pilipinas ng mga na-pardon na Pinoy, kung saan sila ay nakulong dahil sa iba’t ibang paglabag sa UAE.
Matatandaang noong June 2024 nasa kabuuang 143 Pinoy ang nakulong sa nasabing bansa at binigyan ng pardon dahil sa paggunita nila ng Eid al-Adha.
Mabuti at nabigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan na mapatawad sa kanilang kasalanan sa gobyerno ng UAE at makauwi sa bansa.
Batid naman natin na mahirap para sa mga Pinoy abroad na maparusahan dahil sa paglabag na nagawa lalo’t mabigat ang ibinibgay na penalty ng bansang kanilang kinaroroonan. May mga umaabot din kasi sa puntong death penalty ang ipinapataw kapag nagkasala, kung kaya abot-abot ang takot nila at talagang sumusunod sila sa lahat ng polisiya o patakaran na ipinatutupad ng batas ng bansa huwag lang maparusahan.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay mas marami pang mga Pinoy ang kanilang matulungan para mabigyan din ng pardon ng gobyerno ng ibang mga bansa sakali mang sila ay nakakulong o naparusahan.
At sa mga naturang kababayan nating Pinoy, nawa’y maging ligtas ang kanilang pag-uwi sa ‘Pinas upang makasama na rin nila ang kanilang mga mahal na pamilya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments