ni Jasmin Joy Evangelista | February 12, 2022
Kabilang ang isang Pinoy sa mga nasugatan sa naganap na drone attack sa Abha airport sa Saudi Arabia noong Huwebes, ayon sa Philippine Embassy in Saudi Arabia ngayong Sabado.
Hindi pinangalanan ng embahada ang nasabing Pilipino pero ipinagbigay-alam na nasa mabuti itong kalagayan at kasalukuyang ginagamot sa ospital at tinutulungan ng employer nito.
"Our team at the Philippine Consulate General in Jeddah has been in touch with the affected Filipino national to extend assistance," pahayag ng embahada.
Batay sa report ng Reuters, 12 katao ang nasugatan sa Abha airport matapos maharang ng air defenses ang shrapnel mula sa isang explosive-laden drone, kung saan nilalabanan ng Saudi-led coalition ang Houthi group na nakabase sa Yemen.
Nakikipag-ugnayan na rin anila ang embahada sa local authorities at Filipino community upang masiguro ang seguridad ng mga Pinoy na nasa Saudi Arabia.
Pinayuhan din ng embahada ang mga Pilipino na manatiling "vigilant, monitor security advisories."
Para sa anumang emergency, maaaring tumawag sa emergency hotlines ng embahada o ng Philippine Consulate General.
"We join the rest of the global community in calling for cessation of violence against civilians," pahayag pa ng embahada.
Comments