top of page
Search
BULGAR

Pinoy graduates at talents, tulungang makahanap ng local decent jobs para ‘di na mag-abroad!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 26, 2020



Kung talento at galing din lang ang pag-uusapan, malaki ang maibubuga nating mga Pinoy, lalo na ang henerasyon ngayon na may malawak na kaalaman sa teknolohiya at sa matataas na antas ng sining.


Pero ang masakit lang, matapos silang grumadweyt sa unibersidad at kolehiyo, mas pipiliin nilang mag-abroad dahil mas malaki ang nakikita nilang oportunidad sa ibayong-dagat.


Hahayaan na lang ba nating iba ang makinabang sa ating homegrown talents?


Para sa atin, hinog na ang panahon upang pagsikapan naman nating mapanatili sila rito at tulungang maisulong ang kanilang talento sa sariling bayan, kaysa ipirata ng mga tinatawag na “overseas headhunters.”


At bilang tayo ang chairman ng finance committee ng Senado, ipinanukala natin sa Commission on Higher Education (CHEd) at sa mga state universities and colleges (SUCs) na tutukan ang pagtulong sa iba’t ibang industriya sa bansa. Kung mas malakas ang ating mga industriya, nangangahlugan ito ng dagdag na mga trabaho. At kung makalilikha tayo ng mga trabaho, mas marami tayong kababayang matutulungan lalo na ‘yung mga bagong gradweyt. Hindi na nila kailangang magtrabaho sa abroad at mahiwalay pa sa kani-kanilang pamilya.


Pinakamarami sa kanila ay medical graduates na pinipiling mag-abroad dahil sa mas malalaking oportunidad na hindi nila nakikita sa sariling bansa.

Sana matuldukan na ang nakasanayan nating nakapagpa-graduate nga tayo ng magagaling na Pilipino, pero hindi naman natin mapakinabangan ang kanilang talento dahil mas madali silang nakakukuha ng disenteng trabaho sa abroad. Parang ipinamigay lang natin ang sariling atin.


Dahil nga rito, hiniling natin sa CHED ar sa SUCs na makipag-ugnayan sa manufacturing sector at sa 21st century industries sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa Pilipino.


Kung ating mababatid, marami sa mga mayayamang bansa, may mga unibersidad na nagsisilbing “startup incubators” para sa mga mag-aaral nilang nagnanais maging malaking negosyante, innovators, partikular ang mga nasa sektor ng teknolohiya. At ang mga mag-aaral na ito, suportado ng public and private sector sa kanilang mga pagsisikap, matupad lang ang kanilang mga pangarap sa buhay.


Umaasa tayong may magagawang tulong ang mga nasabi nating institusyon, para maisulong ang ating panukala.


Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o ang Bayanihan 2, kaukulang P3 bilyon ang inilaan sa development ng smart campuses sa mga SUC, habang umaabot naman sa P1 bilyon ang inilaan para sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Ang mga institusyong ‘yan ang ating sandigan sa pagbibigay ng suporta, pagsasanay at tulong sa mga mag-aaral na masigasig sa pagtupad ng kanilang mga pangarap.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page