ni Gerard Arce - @Sports | December 21, 2021
Pinatunayan ng Blacklist International na sila ang pinakamahusay na koponan sa bansa ngayon maging sa buong mundo nang ibulsa ang kampeonato para sa All-Filipino finals kontra Onic Philippines sa M3 World Championships Mobile Legends: Bang Bang finals.
Matapos malaglag sa lower bracket mula sa 3-2 pagkatalo sa North American team na BTK (BloodThirstyKings) sa first round ng upper bracket playoffs, muling bumangon at tinubos ang kamaliang nagawa nang ubusin ang lower bracket at makipagtuos sa Onic Philippines na tinapos sa 4-0 nitong nagdaang Linggo, upang makuha ang premyong $300,000 (P14.9-M ) ng kabuuang $800,000 (P40-M) prize, habang nag-uwi ng $120,000 (P5.9-M) ang 2nd place. Pumangatlo ang BTK sa $80,000 (P4-M), habang ang EVOS SG ay lumapag sa 4th place na may $55,000 (P2.7-M).
Bago sumampa sa championship ay pinatumba muna ang Onic Esports ng Indonesia, Keyd Stars ng Brazil, RRQ Hoshi, EVOS SG at ang BTK na sinigurong makukuha ang 3-1 panalo.
Naidagdag sa tagumpay ng Blacklist International ang titulo sa parehong season 7 at 8 ng MPL Philippines, ngunit hindi masyadong sinuwerte sa ibang international tourneys na 2nd lang sa SEA Cup (MSC), gayundin sa MPL Invitational noong isang buwan.
Ang Blacklist ang ikalawang Pinoy team sa world title matapos maghari ang Bren Esports sa M2 World Championships noong Enero. Hinirang na Finals MVP si Kiel “Oheb” Soriano na may halos ‘perfect game’ sa 6 kills at 3 assists gamit si Beatrix sa Game 4. Katulong niya sina Danerie James “Wise” del Rosario gamit si Nathan na may 6 kills at 3 assists, gayundin sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na hawak ang hero na si Mathilda na may game-high 11 kills at 2 deaths.
Sa kabilang banda, dinomina ng Onic Philippines ang upper bracket ng walisin ang mga kalaban nito. Inisa-isa ng Onic Phils ang Vivo Keyd at Malaysia’s Todak sa group stage at pinatalsik ang RSG SG, RRQ, at BTK pasampa ng championship round.
留言