ni Anthony E. Servinio @Sports | June 21, 2023
Sisiguraduhin ng 2023 FIBA World Cup co-host Japan na hindi sila mapapahiya sa sarili nilang tahanan at magbubuo ng palaban na koponan na pamumunuan ng mga NBA player Rui Hachimura ng Los Angeles Lakers at Yuta Watanabe ng Brooklyn Nets. Subalit may isang pangalan sa kanilang listahan na may apelyidong pamilyar sa mga Pinoy.
Kabilang si Matthew Aquino, dating manlalaro ng National University at anak ng alamat na si Marlou Aquino, sa 25 manlalaro na nominado ng Japan Basketball Association. Naging mamamayan ng Japan ang nakababatang Aquino dahil ang kanyang ina ay may lahing Haponesa.
Namana ng 26 anyos na si Matthew ang 6’9” tangkad ng kanyang ama. Dalawang taon na siya naglalaro bilang local player sa Japan B.League para sa Shinshu Brave Warriors. Isa pang pamilyar na pangalan sa mga Pinoy ay si Nick Fazekas na isang naturalized na mamayanan. Naglaro bilang import ng Petron Blaze (San Miguel Beer) sa PBA.
Nabunot ang Japan sa Grupo E kasama ang Alemanya, Finland at Australia. Gaganapin ang lahat ng kanilang laro sa Okinawa Arena. Determinado rin na magpasikat ang mga Aleman. Tinawagan na nila ang kanilang mga NBA player Dennis Schroder ng Lakers, Maxi Kleiber ng Dallas, Daniel Theis ng Indiana at magkapatid na Franz at Moe Wagner ng Orlando.
Ang Australia ay isa pang bansa na may kakayahan na bumuo ng 12 NBA player. Kasama sa unang listahan sina Jack White ng World Champion Denver, Patty Mills ng Nets, Matisse Thybulle ng Portland, Josh Green ng Mavericks, Joe Ingles ng Milwaukee, Jock Landale ng Phoenix, Xavier Cooks ng Washington, Josh Giddey ng Oklahoma City, Dyson Daniels ng New Orleans at Matthew Dellavedova ng Sacramento.
Comments