ni Fely Ng - @Bulgarific | March 12, 2022
Hello, Bulgarians! Sa ginanap na webinar noong Marso 11, mahigit 15,000 ang dumalo sa pagtitipon, at sumali sa Facebook livestreaming ng Go Negosyo at mga partners nito. Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, kayang ibangon ng mga Pinay entrepreneur ang ekonomiya ng bansa, dahil kababaihan ang bumubuo ng halos 90 porsiyento ng micro at small entrepreneurs sa bansa, ang pagpapalakas ng bahaging ito ng populasyon ay isang malaking hakbang para maibangon ang Pilipinas mula sa COVID-19 pandemic.
“We need to inspire and motivate our women entrepreneurs, napapanahon ang Women 2022 Entrepreneurship Summit dahil nakita natin kung paano maaaring maging puwersa ang mga kababaihang negosyante sa pagpapalakas ng ating ekonomiya, marami sa kanila ang humarap sa mga hamon sa panahon ng pandemya, lalo na sa muling pagpundar ng kanilang mga negosyo. Sa kabila nito, nagpakita sila ng katatagan,” sabi ni Concepcion.
Maraming negosyanteng Pinay ang dati nang aktibo sa e-commerce, ngunit dahil sa COVID-19 pandemic, nalantad ang kakulangan nila sa pondo at sapat na pagsasanay sa e-commerce. Umaasa si Concepcion na sa pamamagitan ng Women’s Summit, mas maraming Pinay entrepreneur ang mai-inspire sa tagumpay ng mga babaeng mentor at leader. Ang summit ay paraan din para matuklasan ng mga nagnanais na magnegosyo ang iba't ibang modelo at pamamaraan ng pagnenegosyo.
Sa temang "Thriving in a Changed World: Women Leading the Way", ang summit ay binubuo ng tatlong kaganapan, bawat isa ay layong magbigay ng inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga Pinay na negosyante na magsimula ng kanilang sariling mga negosyo.
Una ay isang virtual conference na tatalakayin ang papel ng kababaihan sa pagpapalakas ng ekonomiya; kasunod ang Inspiring Filipina Entrepreneurs Awards na kikilalanin ang 17 na natatanging Pinay na negosyante. Ikatlong kaganapan ay ang Women Enterprise Enablers Virtual Expo, isang exhibit ng mga negosyong pinamumunuan ng kababaihan at mga organisasyong kasosyo. Ito rin ay inaasahang mag-uugnay ng mga maaaring maging kasosyo ng mga negosyante. Ang Women 2022 Entrepreneurship Summit ay umaasang mag-inspire sa mga innovator at entrepreneur na magsimula ng mga negosyong may positibong epekto sa lipunan gamit ang inclusive, innovative at sustainable na pagnenegosyo.
Sinabi ni Concepcion na ang pagtulong sa mga Pinay na negosyante ay mas naging mahalaga ngayong ang Pilipinas ay nahaharap sa kabi-kabilang balakid sa pagbangon nito. Ang tumataas na presyo ng mga bilihin na dulot ng krisis sa Russia-Ukraine ay nakakaapekto sa paggalaw ng ekonomiya, habang ang patuloy na banta ng COVID ay nagdudulot pa rin ng pangamba sa ilang mga Pilipino.
Samantala, ang mga maliliit na negosyante ay umaasa na sa muling pagbubukas ng ekonomiya ay mababayaran na ang kanilang mga pagkakautang na dulot ng mga lockdown at mga paghihigpit sa nakalipas na dalawang taon. Ang gobyerno ay nahaharap din sa P12 trilyong pambansang utang. Inaasahan na sa muling pagbubukas ng ekonomiya, makakayanan ng bansa ang epekto ng mga krisis at makakuha ng sapat na kita upang mabayaran ang mga utang nito.
“Dapat nating tandaan na ang MSMEs ay higit sa kalahati ng mga kabuuang trabaho na naiaambag sa Pilipinas. Ang kanilang pagbangon ay pagbangon nating lahat,” ani Concepcion.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Commentaires