top of page
Search
BULGAR

Pinay booters, lalarga sa AFC U-17 Asian Cup Q'fiers

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 22, 2023




Laro ngayong Sabado – GFA Training Center, Harmon 5:00 p.m. Guam vs. Pilipinas

Bubuksan ng Philippine Women’s Football National Team ang kampanya sa 2024 AFC Under-17 Women’s Asian Cup Qualifiers Round 1 laban sa host Guam ngayong Sabado. Sisipa ang aksiyon sa 5:00 ng hapon, oras sa Pilipinas sa Guam Football Association (GFA) Training Center sa Harmon.

Matapos ng Guam ay haharapin ng Filipinas ang Lebanon sa Miyerkules (Abril 26) sa parehong palaruan at oras. Tatlo lang ang bansa sa Grupo G at tanging ang numero uno ang tutuloy sa Round Two sa Setyembre na tutukoy sa apat na tutuloy sa torneo sa Abril 2024 at samahan ang mga naunang nakapasok na defending champion Japan, Hilagang Korea, Tsina at host Indonesia.

Ang unang tatlo sa Indonesia ay maglalaro sa 2024 FIFA Women’s Under-17 Women’s World Cup na hinahanapan pa ng host. Ang torneo ay para sa mga manlalaro na ipinanganak simula Enero 1, 2007.

Samantala, maaaring malalaman na kung sino ang magiging kampeon ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways sa higanteng salpukan ng Kaya FC Iloilo at Dynamic Herb Cebu FC ngayong Linggo (Abril 23) sa Cebu. Noong isang araw ay naubos na ang tiket ng inaabangang laro na sisipa sa 3:30 p.m.

Hawak ng Kaya ang liderato na may 45 puntos mula sa 15 panalo at tatlong talo habang pangalawa ang Cebu na may 43 puntos galing 13 panalo, apat na tabla at isang talo. Ito ang ika-apat at huling paghaharap ng mga higante ng PFL at ang kampeon ang may pinakamaraming puntos matapos ang apat na round.


0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page