ni Eddie M. Paez, Jr. / GA / MC - @Sports | May 19, 2022
Pumalaso pa ang Filipina archers ng gold medal nang talunin ang Vietnam sa women's team recurve event sa Hanoi National Sports Training Center sa pagpapatuloy ng 31st Southeast Asian Games.
Ginulantang ng koponan nina Pia Bidaure, Abby Bidaure, at Phoebe Amistoso ang host Vietnam, 5-4 sa finals para kunin ang unang medalya kahapon ng umaga.
Ito rin ang unang gold medal sa archery ng Pilipinas ngayong 31st SEAG sa Hanoi. Nakuha ng Myanmar ang bronze sa women's recurve sa 5-4 na panalo kontra Malaysia. Lumalagare pa sa bronze ang PHL men's team sa recurve habang si Pia Bidaure ay tatambal kay Jason Feliciano sa bronze medal match ng mixed recurve kontra Vietnam.
Samantala, si Johann Chua ang nakasungkit ng ika-2 gold medal para sa PHL Billiards sa itinakdang all-Filipino finals kontra Carlo Biado sa men's 9-ball pool singles event kahapon. Si Jefrey Roda naman ang silver medalist sa Billiards Men’s Snooker 6-Red Singles.
Tansong medalya naman ang nakuha sa sepak takraw nina Jason Huerte, Rheyjey Ortouste, Ronsted Gabayeron, Mark Joseph Gonzales at John John Bobier sa Men’s Regu event habang bronze din si Jason Balabal sa wrestling men's greco roman 97 kg event kahapon. Pilak na medalya ang sinungkit ni Jefferson Manatad sa wrestling men's greco roman 87 kg. at bronze medalist si Noel Norada sa men's greco roman 67 kg event.
Sakalam naman ang Pinay fencers team sa silver na sina Maxine Esteban, Justine Gail Tinio, Samantha Catantan, at Wilhelmina Lozada sa event ng foil team. Iuuwi naman ni Margarito Angana Jr., ang bronze sa men's Greco roman 60 kg sa wrestling. Nakahabol naman ng bronze si Jessie Geriane sa Swimming women's 199m backstroke.
Matapos namang maka-gold ni Chloe Isleta sa 200m backstroke ay naka-silver naman siya sa women's 100m backstroke. Silver medalist naman si Mark Harry Diones sa Athletic Men's Triple Jump. Bronze si Laila Delo sa taekwondo women's kyorugi 67kg.
Comments