ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 27, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Aurea na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko na may pumasok sa bahay namin na hindi namin kilala. Sa tingin ko, magnanakaw siya, pero wala namang akong nakitang binubuksan niya. Tapos, sinigawan ko, pero natakot ako at naisip ko na baka patayin niya ako. Nang sinigawan ko siya, wala siyang reaksiyon.
Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin ang aking panaginip. Tulungan n’yo ako na malaman ang kahulugan nito. Maraming salamat!
Naghihintay,
Aurea
Sa iyo, Aurea,
Alisin mo ang iyong pag-aalala at ang pangamba ay bawas-bawasan mo. Hindi naman maaalis na matakot ka, pero ang iyong panaginip ay simpleng nagsasabi na may manghihimasok sa buhay mo.
Sinu-sino ang puwedeng manghimasok sa buhay ng may buhay?
● Ang mas matanda sa iyo na akala ay may karapatan siyang makialam sa buhay mo. Halimbawa, ang mga tito, tita at iba pang kamag-anak.
● Ang magulang ay hindi mapabibilang dito dahil sila ay may karapatan na panghimasukan tayo.
● Ang kaibigan na akala ay mas magaling at maalam kaysa sa iyo, kaya siya rin ang kaibigan na maliit at mababa ang tingin sa iyo.
● Ang mga kaibigan ng ating mga kaibigan. Sila ‘yung kung makapagpayo, akala mo’y sobrang matatalino.
● Minsan ay ang mga kapitbahay na sa totoo lang ay likas na mapanghimasok sa buhay ng may buhay.
Isa sa kanila ang napanaginipan mo na ngayon ay makikitang nakikialam sa buhay mo.
Huwag mo silang awayin o agad-agad na lalayuan dahil silang lahat ay bahagi rin naman ng iyong pakikipagsapalaran sa mundong ito kung saan ang mga pakialamera ay hindi nawawala.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments