ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | Jan. 30, 2025
Photo: Coco Martin - Instagram
Ini-reveal ang mga bagong karakter na papasok sa FPJ’s Batang Quiapo (BQ) na idinidirehe at pinagbibidahan ni Coco Martin.
Pasok sina Andrea Brillantes, Jake Cuenca, Angel Aquino, Juan Rodrigo, Paolo Paraiso, Gillian Vicencio, Shamaine Buencamino and screen veterans Michael de Mesa, Albert Martinez, Dante Rivero, Chanda Romero at Celia Rodriguez.
Ayon na rin sa ulat ng ABS-CBN news, ipinakilala ang bagong cast members sa ginanap na Kapamilya Grand Welcome: Saludo kay Tanggol last Tuesday na dinaluhan din of course ni Coco at ng iba pang co-stars niya tulad nina Charo Santos, McCoy de Leon, John Estrada, Cherry Pie Picache and Christopher de Leon.
Present din sa event ang ABS-CBN executives na sina Chairman Mark Lopez, President and CEO Carlo Katigbak, COO Cory Vidanes, and Star Magic and TV production head Laurenti Dyogi.
Sa speech ni Mr. Katigbak ay pinasalamatan niya si Coco na malaki ang naitulong sa
mga empleyado ng network sa panahon ng krisis.
“Wala pa tayong istasyon, wala pa tayong prangkisa, pero nangingibabaw pa rin ang pag-asa natin. Sana alalahanin natin kung bakit natin ginagawa ito, hindi para sumikat kung hindi magbigay-saya at inspirasyon at pag-asa sa ating pamilya. Dahil sa galing ng pagbibigay-serbisyo n’yo sa ating bayan, kumikita tayo at nakakatulong tayo sa pamilya natin sa ABS-CBN at sa sarili nating pamilya. So sa lahat po ng ginagawa n’yo para sa Filipino at sa pamilya natin sa ABS-CBN -- Coco at inyong mga kasama sa Batang Quiapo, maraming-maraming salamat,” pahayag ni Mr. Katigbak.
Nahingan din ng reaksiyon si Coco na ang kanyang show ang naging pag-asa ng network during the trying times.
“Ano lang po talaga, ‘yun po ay sa pagtutulungan ng lahat po ng empleyado at mga shows ng ABS-CBN. Nagtulung-tulong para lahat magkaroon ng hanapbuhay, maka-survive ang kumpanya at makapagbigay ng saya at inspirasyon sa bawat pamilyang nanonood gabi-gabi sa Batang Quiapo,” sey ni Coco.
Sa ngayon ay pumapasok na sa ikatlong taon ang BQ at ayon nga kay Coco ay marami raw silang pasabog na inihanda para sa serye kasama ang mga bagong cast members.
“Pinag-aralan naming mabuti ‘yung bawat kuwento, bawat character, at kung paano namin itatahi ‘yung original na kuwento at original na mga characters sa bagong kuwento at mga bagong characters. Sinisiguro ko sa lahat ng mga Pilipino na mas maganda, mas maantig, mas maaksiyon, at mas madrama ngayon ang FPJ’s Batang Quiapo,” sey ng aktor.
Nag-post naman si Charo ng kanyang magandang experience sa loob ng dalawang taong pagtatrabaho niya sa serye bilang Lola Tindeng.
“Two years of FPJ’s Batang Quiapo and counting! (film & star emojis)
“What an honor it is to be part of FPJ’s Batang Quiapo for two incredible years. Our anniversary celebration was a beautiful reminder of how much this show means—not just to us, but to the fans who continue to support our stories.
“From the heroes’ welcome at the ELJ Building, to the storycon with my talented co-stars at the Dolphy Theater, every moment was full of energy and joy. With new characters joining us, Year 3 is bound to be even more exciting.
“A special salute to @cocomartin_ph —a true total package as an actor, director, and producer whose dedication and generosity uplift everyone around him. His passion for storytelling and his giving heart continue to inspire us all.
“Maraming salamat, Kapamilya, for the unwavering love and support! Nagmamahal, Tindeng,” ang post ni Charo sa Instagram (IG).
Tuloy ang gamutan… KRIS, BALIK-USA SANA NU’NG DECEMBER, NAUDLOT
Bagama’t nananahimik na naman si Kris Aquino sa social media dahil medyo matagal na ring wala siyang post, tuluy-tuloy pa rin daw ang pagpapagamot nito sa kanyang sakit.
Sa latest vlog ni Cristy Fermin ay ibinalita niyang mukhang okey naman daw si Tetay ngayon kahit nananahimik ito. Tuluy-tuloy pa rin daw ang gamutan at inaalagaan pa rin ito ng kanyang boyfriend na doktor. Marahil daw ay ayaw magpa-stress muna ng Queen of All Media, kaya hindi muna ito nagso-social media.
Ibinalita rin ni ‘Nay Cristy na dapat pala ay babalik si Kris sa US last December para magsagawa ng comparison sa kanyang medical result pero mabuti na lang at hindi natuloy.
Ipinag-adya raw si Kris dahil nagkaroon nga ng wildfire nitong Enero sa Southern California na kumitil ng maraming buhay at tumupok sa libu-libong bahay and establishments.
Malayo naman daw ang bahay ni Kris sa sunog pero tiyak na makakasama sa kalusugan nito ang usok, kaya’t blessing in disguise na hindi ito natuloy.
Sa huling update ng kaibigan and confidante ni Kris na si Dindo Balares last January 17 ay sinabi niyang nagpahayag ang Queen of All Media na gusto nitong pumunta sa Bicol at umakyat ng bundok.
“Wala muna akong direktang kuwento tungkol sa health status ni Krisy, pero siyempre pang mailalarawan sa usapan naming ito na gusto na niyang subukan ang lakas ng kanyang pangangatawan at pumunta sa nature,” sey ni katotong Dindo.
Comments